Ilang araw bago ang Araw ng Palaspas nitong Linggo, tatlong babae ang nahuli-cam sa Caloocan na pinagpuputol ang mga dahon ng halamang “Pitogo” na nakatanim sa harapan ng isang opisina. Ang naturang dahon, ginagawang palaspas.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente noong Biyernes sa Barangay 171.

Sa video, makikita ang tatalong babae na huminto sa tapat ng pitogo. Ilang saglit lang, pinutol ng isa sa kanila ang mga dahon gamit ang kutsilyo at inilagay sa dala nilang sako.

Pero tumigil ang tatlo at umalis nang mapansin umano na mayroong tao sa loob ng opisina. Sa pagmamadali, naiwan pa ng isang babae ang dala niyang lalagyan ng inumin.

Ini-report na umano sa Homeowners Association ang naturang insidente para matukoy kung sino ang tatlong babae.—FRJ GMA Integrated News