Isa na namang Pinoy talent ang umaani ng paghanga sa international stage.
Sa “Britain’s Got Talent,” nagpakikila si Matty Juniosa na isang 27-anyos na Pilipino na naninirahan sa Glasgow, United Kingdom sa nakalipas na tatlong taon. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang part-time na waiter.
Ayon sa Pinoy singer, sumali siya sa patimpalak upang patunayan sa sarili na hindi lamang siya isang “talunan sa singing competition.” Aniya, dati siyang sumali sa “Idol Philippines” noong 2019.
“I have been waiting for this chance to finally put an end to this long thing that I’ve been thinking about myself, that I will always be a singing competition loser,” sabi niya.
Para sa kaniyang audition, inawit ni Juniosa ang bersyon ng “Purple Rain” ni Prince, at humanga ang mga hurado at manonood sa husay ng kaniyang boses. Kaya naman binigyan siya ng standing ovation.
“This, I think, is the biggest reaction we had from anyone,” ayon sa judge na si Simon Cowell, at sinundan niya ng pagpindot ng Golden Buzzer.
Dahil sa Golden Buzzer, diretso na si Juniosa sa live shows at hindi na kailangang dumaan sa iba pang audition rounds.
Sa Facebook, ibinahagi ni Simon ang performance ni Juniosa, at ipinahayag ang paghanga niya rito.
“I could have given him two Golden Buzzers,” he wrote. “Hope you all love the audition as well.”
Samantala, sinabi ni Juniosa sa Instagram na hindi pa rin siya makapaniwala na naging bahagi siya ng bagong season ng “Britain’s Got Talent.”
“This is genuinely such an exciting [time] for me as I grew up watching the show,” saad niya. —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News

