Umabot sa 338 Pilipino, kabilang ang mga overseas workers, kanilang mga pamilya, at mga na-stranded sa United Arab Emirates, ang ligtas na nakabalik sa bansa nitong Linggo, Marso 29, sa pamamagitan ng ikaanim na chartered repatriation flight ng gobyerno.
Lumapag ang eroplano na sinakyan ng mga repatriates sa Villamor Air Base sa Pasay City. Sinalubong sila ng mga opisyal at kinatawan mula sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kasama ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Presidential Management Staff (PMS).
Naroon din ang mga kinatawan mula sa Department of Health (DOH), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Immigration (BI), Bureau of Quarantine (BOQ), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Philippine Air Force.
Binigyan ang mga umuwing Pilipino ng tulong pinansyal, serbisyong medikal, pamasahe pauwi sa kanilang mga probinsya, at pansamantalang matutuluyan habang nasa Metro Manila.
Sa kabuuang bilang, 203 ang overseas Filipino workers (OFWs), 125 ang kanilang mga kaanak, at 10 ang mga na-stranded na Pilipino.
Ayon sa mga awtoridad, umabot na sa 3,248 ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong natulungang makauwi mula sa Middle East sa harap ng nagaganap na kaguluhan sa rehiyon.
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, naisagawa ang ligtas at maayos na repatriation ng mga Pilipinong apektado ng kaguluhan sa Middle East na bunga ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya.
Dagdag pa niya, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na unahin ang kapakanan at kaligtasan ng mga Pilipino sa ibang bansa.
Patuloy ang pamahalaan sa pagsasagawa ng repatriation at pagbibigay ng reintegration support services para sa mga umuwing Pilipino mula sa ibang bansa. — FRJ GMA Integrated News

