Dumaraing ang ilang pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa itinaas ng kanilang pamasahe. 

Noong February 10 pa raw nakabili ng P880 na ticket papuntang Donsol, Sorsogon ang PWD na si Amy Bernensana pero laking gulat niya nang singilin pa siya ng karagdagang P220 na pamasahe. 

Si Minerva Napi naman na biyahe ring Donsol, Sorsogon, March 1 pa nagpa-reserve ng ticket, pero mula P1,250 ay naging P1,350 na raw ang binayaran niya. 

Naintindihan naman daw niya ang sitwasyon ng mga bus company ngayong mataas ang presyo ng gasolina. 

Ayon sa ticket seller ng bus line, nagtaas sila ng pamasahe dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina. 

May P100 din daw na caller fee at iba pang additional fee na base rin aniya sa taripa. 

“Nu'ng hindi pa nagtaas ng krudo, mura pa pamasahe namin. Bigla pong nag-hike nang sobrang taas. Hindi na kinaya ng bus kaya sobrang taas din ng tinaas namin,” ayon sa ticket seller.

Noong March 14 ipinatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang provisional fare hike sa mga provincial bus.

Kasunod niyan, pinapreno ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagpapatupad ng fare hike sa mga public utility vehicles.

Kaya sabi ng LTFRB, maging ang pamunuan ng PITX, wala dapat ipinatupad na taas-singil sa mga provincial bus.

Si Kevin Arevalo, mahigit tatlong oras na sa PITX pero hirap daw makabili ng ticket papuntang Albay.

Kailangan pa naman daw niyang umuwi para sa graduation ng kaniyang anak bukas. 

Meron namang maaga nag-book online para tiyak na makabiyahe. —KG GMA Integrated News