Tone-toneladang mangga ang nasayang matapos itong mabulok nang hindi maibiyahe dahil sa mahal na presyo ng petrolyo sa Laoag, Ilocos Norte.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabi ng isang mango grower na itinapon na lang ang mga prutas dahil nabulok na ang mga ito.

Hindi raw naibiyahe ang mga mangga dahil sa mahal ng petrolyo, na mula sa dating P20,000 na gastos sa kada ay naging P50,000 na.

Naging isang beses na lamang din ang biyahe ng truck kada araw.

Ayon sa mga mango grower, malaking lugi sa kanila kung pipilitin pa rin nila ang dating tatlong biyahe ng truck kada araw.

Sa kasalukuyan, ibinibenta na lamang nila ang ibang mangga sa mga palengke pero matumal pa rin ito. – Jamil Santos/FRJ GMA News