Isang French national na may asawang Pinay ang nasa likod ng viral dance song na “Hawak Mo ang Beat” na patuloy na sumisikat sa iba’t ibang social media platform.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, ikinuwento ni Sylvain Hernandez, na kilala rin bilang DJ Mogo, na nagawa niya ang awiting sa tulong ng kaniyang maybahay.

“The traditional and super fun cha-cha feeling from the Visayas really stuck with me, actually. So in ‘Hawak Mo ang Beat,’ there is this light, this bouncy, and this joyful vibe that brings everyone together on the dance floor. That's the true philosophy that guided me in creating that song,” paliwanag ni DJ Mogo.

Ngunit sa kabila ng tagumpay ng awitin, uminit ang usap-usapan online dahil may mga naghihinalang netizens na ginamitan ng AI o artificial intelligence ang kanta.

Bagay na mariing itinanggi ni DJ Mogo.

“No any part of the song was generated by AI. Authentic, 100 percent made with my hands and my love for the Philippines,” saad niya.

“I just want the people to focus on the music itself. If you like the beat and the energy, then tara lets dance on it. Let's enjoy it,” dagdag ni DJ Mogo.

Ang usapin ng AI-generated music ay naging napapanahong isyu sa industriya ng musika, na nagdudulot ng pangamba sa mga local artist.

Para kay Pablo ng SB19, makapangyarihang kasangkapan ang AI ngunit kailangang maging responsible sa paggamit nito.

“Siguro po, not at the expense of 'yung ninanakaw na 'yung identity ng mga artists, 'yung creative works,” sabi ni Pablo sa isang press conference.

Naniniwala siya na unethical ang paggamit ng gawa ng mga artist nang walang pahintulot, at dapat itong ituring na ilegal.

“For sure, 'yung mga artists na iyan, from ground up binuild nila kung sino sila. Talagang pinaghirapan nila 'yung mga nilalabas nila and kung paano sila nabuo as a person. So for these software or companies to use it without their consent, I think it’s very unethical, and I think it should be illegal,” sabi pa ni Pablo.

Nanawagan din si Pablo ng mas mahigpit na regulasyon sa AI, at hinikayat ang mga developer na higpitan ang mga patakaran at tiyaking may ganap na kontrol ang mga artist sa paggamit ng kanilang identity at mga likha.

“Sana po, 'yung mga gumagawa man ng ganitong mga innovation, dapat mas patindihin pa nila 'yung rules or maging strict sila pagdating sa paggamit," ani Pablo.

"Or siguro, dapat 'yung mga artists, artists has the sole control if gusto nilang ipagamit ‘yung identity nila, ‘yung personality nila, or creative outputs nila sa mga ganitong klaseng tool,” dagdag niya.

Samantala, hinimok ng Filipino Society of Composers, Authors and Publishers Inc. (FILSCAP) ang mga gumagamit ng generative AI tools na kumilos nang responsable at tiyaking ang anumang materyal na ginagamit ay may lisensya.

“Users who are using these tools to create generative AI music should do that responsibly and make sure that the work that they are using is actually licensed work,” ayon kay FILSCAP General Counsel Atty. Ivan Viktor Mendez. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News