Mabait at wala umanong masamang record sa barangay kaya hindi makapaniwala ang ilang nakakakilala kay Jessie Carlos na magagawa nitong salakayin ang Resorts World Manila, na nagresulta sa pagkakasawi ng 37 katao dahil sa suffocation bunga ng nilikha niyang sunog.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Police Director Oscar Albayalde, regional director ng NCRPO, na baon sa utang si Carlos at lulong sa sugal, na dahilan umano ng hindi nito pagkakaunawaan sa pamilya.
Hiwalay na umano sa asawa si Carlos at mayroong tatlong anak.
"He has a bank account with an outstanding debt of P4 million, and several other non bank related debt," dagdag ng opisyal.
Taong 2014 nang matanggal si Carlos sa kanyang trabaho bilang tax specialist ng one-stop-shop ng Department of Finance, na pinapasukan niya mula noong taong 2000.
Batay sa resolusyong inilabas ng Ombudsman, hindi umano idineklara ni Carlos sa kaniyang SALN ang ilang mga ari-arian kabilang ang mga sasakyan at isang house and lot sa Tondo, Maynila.
Tinukoy din ng Ombudsman ang umano'y unexplained wealth ni Carlos, at kung paano siya nagkaroon ng mga sasakyan, mga farm sa Batangas at milyong-milyong pisong utang gayung kumikita lamang siya ng taunang suweldong umaabot sa P210,000.
Ang kaniyang bahay sa Sta Cruz, Maynila, mayroong day care center. May negosyo rin umano itong mga tindahan ng prutas sa Divisoria at may tatlong sasakyan.
Inilarawan sa barangay na mabait at walang anumang bad record si Carlos.
"Nabigla kami. Kahit na yung sa picture niya, maiisip mo siya pero isipin mo hindi dahil mabait na tao e," ayon kay Egay Abrigo, kapitan ng barangay 339.
Dakong 10:18 p.m. noong June 1, nahagip pa ng CCTV camera si Carlos na dumating sa kanilang bahay.
Tila nagmamadali ito at makalipas ng mahigit isang oras ay muli itong umalis ng bahay, iba na ang bihis, at may dala nang bag.
Ito na ang huling pagkakataon na nakita siya sa barangay, bago tumuloy sa Resorts World sa Pasay.
Sa CCTV sa naturang hotel-casino, nagpaputok siya ng baril, nanunog ng mga gaming tables at slot machines at nagnakaw ng mahigit P100 milyong halaga ng casino chips bago raw sinunog ang sarili sa isang kuwarto.
Sa Lallana St. sa Tondo, kung saan lumaki si Carlos, hindi rin makapaniwala ang kaniyang mga kaanak at kapitbahay sa kaniyang malagim na sinapit.
"Mabait po talaga 'yon, wala naman problema. Bata pa lang dito na siya, mabait talaga kahit makipag-away hindi po," kuwento ng kaniyang tiyahin na si Elizabeth Soriano.
Ayon naman sa kapitbahay na si Edna Esguerra, sabong at hindi pagka-casino ang sugal na pinasok ni Carlos. -- FRJ, GMA News
