Kahit hindi na siya napanonood sa "Wowowin," patuloy umanong tatanawin na malaking utang na loob ni Super Tekla ang oportunidad na ibinigay sa kaniya ni Willie Revillame nang kunin siyang co-host sa naturang afternoon variety-game show noong Setyembre 2016.

Sa episode ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ni Super Tekla ang payak niyang pamumuhay sa isang maliit na tinutuluyang unit.

Sinabi ni Tekla na sadyang pinili niyang tumira sa maliit na kuwarto dahil siya lang naman ang nakatira rito at wala pa siyang planong magpundar ng mga gamit.

Ikinuwento rin niya na prayoridad niya sa ngayon ang pagpapadala ng pera sa kaniyang pamilya sa probinsya, lalo na ngayong may sakit ang kaniyang ama, may kaguluhan sa kanilang lugar.

Sa pagkawala niya sa "Wowowin," inamin ni Tekla na nag-a-adjust pa siya dahil naging buhay din niya sa loob ng siyam na buwan ang pagta-taping ng tatlong beses sa isang linggo.

READ: Tekla sa pagkawala niya sa 'Wowowin': 'Para akong nag-boyfriend tapos hiniwalayan'

Pag-amin pa niya, tila "tapik" para magising siya ang nangyaring pagkawala niya sa programa dahil hindi na umano siya nakapagsimba mula nang maging bahagi ng "Wowowin."

Nang hingan siya ng mensahe para sa kinikilala niyang Kuya Wil, sabi ni Tekla, "Kuya Wil, thank you deep in my heart. Salamat, salamat po sa panahon or sa time or sa pambihirang pagkakataong ibinigay mo."

Patuloy niya, "Alam ko na ito yung magiging sandata ko para lumaban. Hindi man kita masusuklian sa ngayon in a way sa ibang pagkakataon, Diyos na po ang bahala. Thank you thank you and more power po sa show mo sa "Wowowin."

Panoorin ang naging reaksyon ni Tekla sa iba't ibang komento ng netizens sa pagkawala niya sa "Wowowin:"



Click here for more GMA Public Affairs video:

-- FRJ/KVD, GMA News