Tumanggap ng mga papuri mula sa netizens sina Alden Richards at Rocco Nacino sa kanilang natatanging pagganap bilang human rights victims sa GMA News and Public Affairs Special na "Alaala," na ipinalabas nitong Linggo.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing maraming netizen ang napabilib sa husay nina Alden at Rocco.
"I just memorize the lines kasi maganda 'yung sinu-surprise mo 'yung sarili mo as the scene unfolds every second. Hindi mo siya paplanuhin eh," saad ni Alden.
Ang #AldenOnAlaala, nag-trend pa dahil na rin sa kanyang pagganap bilang si Boni Ilagan, isang biktima ng paglabag sa human rights noong panahon ng martial law.
Sinabi ng ilang netizens na tagos daw ang palabas kahit sa mga eksenang walang linya.
Bilib din sila dahil tinanggap ni Alden ang hamon ng ganitong karakter.
Samantalang gumanap naman si Rocco bilang ang manunulat na si Pete Lacaba.
Ayon sa ilang netizens, damang-dama raw nila ang sakit at takot sa naging pagganap ni Rocco.
Natuklasan naman ni Rocco na malayong kamag-anak niya si Lacaba.
"Yung taong ginampanan ko ay isang malayong kamag-anak pala. Siya pa yung lumapit sa akin, 'Alam mo, I think we're related, related ako sa mom mo,'" kwento niya.
Hanga rin ang social media personality na si Mae Paner a.k.a. Juana Change sa naturang GMA Marial Law special na "Alaala."
"Tuwang-tuwa ako. Lume-level up ang ating content. Napapanahon. At talagang nakapagbigay ng inspirasyon sa maraming tao na maging mas kritikal," aniya.
Mapapanood muli ang Alaala sa darating na Sabado. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
