Ang suspense movie na "Birdshot" ang magiging pambato ng Pilipinas sa Best Foreign Language Film category sa 2018 Oscars, ayon sa ulat ng PEP.ph.

Kinumpirma umano ito ni Film Academy of the Philippines Secretary General Leo Martinez sa pamamagitan ng mensahe na ipinadala nitong Martes, ayon sa artikulo ni Jocelyn Dimaculangan.

Ang naturang pelikula ay obra ni direk Mikhail Red, at pinagbibidahan nina Arnold Reyes, Mary Joy Apostol, at John Arcilla,

Nanalo ang "Birdshot" bilang Best Film sa 29th Tokyo International Film Festival noong November 2016.

Ang "Birdshot" ay istorya ng isang teenage girl na gumala sa gubat na nakabaril at nakapatay sa isang endangered na Philippine eagle.

Sa paghahanap ng mga awtoridad sa dalaga, may mas malaki pa silang matutuklasan.

Gaganapin ang 90th Academy Awards o Oscars sa Marso 2018 sa Hollywood, Los Angeles, California.  -- FRJ, GMA News