Nagpupuyos sa galit ang isang dating overseas Filipino worker nang makaharap ang lalaking nanloko umano sa kaniya at tumangay ng kaniyang pera na nagkakahalaga ng P8.29 milyon sa Quezon City.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nadakip sa entrapment operation ng Quezon City Police District si Jonathan Asuncion, na nagpakilalang Engr. Luis de Guia, sa biktimang si Leonardo Austria.

Ayon sa ulat, may kasama umano si Asuncion na isang Japanese national nang kausapin si Austria noong Oktubre na interesado na bumili ng bahagi ng ibinebentang lupa ng biktima.

Ipinakilala rin umano ni Asuncion na naghahanap ang Hapon ng supplier ng tuna fish enzyme.

Naalala naman ni Austria na may nakilala siyang tao na nagpakilalang Vince na isang fish enxyme exporter. Dahil dito, nagpasya siyang maging middleman sa Hapon at sa nagpakilalang Vince.

Ang hindi alam ni Austria, magkakasabwat ang mga taong nakilala niya.

Sa pag-aakalang lehitimo ang mga kausap, pumayag si Austria na maglabas ng pera bilang puhunan sa negosyo na umabot umano sa mahigit P8 milyon.

"Ang ginawa ko, nagbayad ako ng three million na cash. Tapos, nagpunta ako ng bangko, nagpasunod ako ng P4.29 million. Tinawag ko na naman kay engineer, De Guia, sabi niya sir, i-finance mo muna, bibigyan kita ng financial percent, which is three percent, sabi niya. 'Di, sabi ko, misis kunin mo na yung time deposit mo na three million," ayon kay Austria na hindi napigilang suntukin si Austria nang makaharap sa himpilan ng pulisya.

Humarap din sa pulisya si Winifredo Adriano, na lumitaw na ginamit ni Asuncion na pagpapasukan ng pera sa bangko na nakuha kay Austria.

Kahit nahuli na, itinanggi naman ni Asuncion na kasama siya sa grupo ng mga manloloko at hindi raw talaga kilala ang mga taong binanggit ni Austria.

"'Di po totoo yun. 'Di ko po kilala. Basta't yun lang pong, nag-ano lang po kami ng sa bangko po. Hindi ko po kilala sila. Ako lang po at si Adriano ang kasama ko sa bangko," paliwanag niya.

Pinayuhan naman ni QCPD Chief Supt. Guillermo Eleazar ang publiko na huwag basta magtitiwala sa mga nakikilala at nangangako ng malaking tubo kapalit ng paglalabas ng pera.—FRJ, GMA News