Masaya si AiAi delas Alas sa kaniyang pagbabalik-trabaho matapos ang tinawag niyang mini-honeymoon nila ng mister na si Gerald Sibayan sa Japan.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing sa Japan nagtungo ang mag-asawa matapos na ikasal noong nakaraang linggo.

Sinabing doon napili ni AiAi na magpunta kahit tatlong araw lang para experience niya ang snow.

"Nasa bucket list ko 'yon na gustung-gusto ko 'yung makakita ng yelo. Dati nakakita na ko sa Canada kaya lang sa kapitbahay lang, konti-konti lang," paliwanag niya.

Kinailangan din niya kaagad na bumalik sa trabaho para sa promo ng bago nilang serye na "Sherlock Jr." na kinatatampukan din nina Ruru Madrid, Gabbi Garcia, Andre Paras at Janine Gutierrez.

Ginanap na ang pictorial ng buong cast na kinabibilangan din nina Matt Evans, Sharamaine Arnaiz at Rochelle Barrameda.

Pagkatapos ng pictorial, inayos naman daw ni AiAi ang mga kailangan para sa charity work niya sa mismong araw ng Pasko.

"Yung yearly charity work ko sa Missionaries of Charity, du'n naman ako everytime nagpapasko tuwing tanghali, actually morning. Then 'yung family na after lunch," sabi ng aktres.

Hindi pa rin daw tapos si AiAi sa pamimili ng Christmas gifts para sa mga kaibigan at iba pang mahal sa buhay.

Nang tanungin kung ano ang regalo niya sa kaniyang asawa, sabi ni AiAi, "Relos, mahilig 'yan sa watch."

Samantala, ang pag-imbita naman na manood ng movie na "Meant To Be" na entry sa Metro Manila Film Festival ang hangad niya para sa kaibigang si Vic Sotto.

Sa tanong na kung ano ireregalo niya kay Marian Rivera, sabi ng aktres, "Sa kambal ko, may binibigay ako sa kaniya, gustung-gusto niya yung pastillas."

At sa kaniyang idolo na si Vilma Santos naman, "Kay Ate Vi, bibigyan ko siya ng mga lumang pictures niya na itinago ko." -- FRJ, GMA News