Nitong lang 2016 nang malaman ng 36-anyos na si Ryan ang katotohanan na inampon lang siya ng mga inakala niyang tunay na mga magulang at nagdala sa kaniya sa Italy.
Ngayon, bumalik siya ng Pilipinas para hanapin ang tunay na ina at mabigyan ng kasagutan ang mga tanong sa kaniyang isip kung bakit kinailangan siyang ipambayad sa utang na P3,000 noong sanggol siya.
Kasama ang programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinimulan ni Ryan, na may pangalan ding Joel De Vera, ang paghahanap sa kaniyang tunay na ina sa Cabanatuan.
Base sa mga nakalap niyang impormasyon, isang singer sa bar ang kaniyang ina na nabuntis ng isang sundalo. At dahil wala nang pambayad sa inuupahang bahay, iniwan na lang umano ang bagong silang noon na si Ryan.
Ang isang tindera ng isda na si Aling Toyang ang napag-alaman na unang nakaampon kay Ryan. Pero dahil hirap din sa buhay si Aling Toyang, muli siyang ipinaampon sa isang mag-asawa na may kaya sa buhay pero walang anak.
Ang pangalawang nakaampon kay Ryan ang nagdala sa kaniyang sa Italya, at nito lang 2016 nang malaman niya sa katotohanan tungkol sa kaniyang pagkatao.
Masakit man sa kalooban ni Ryan na ipinambayad-utang siya ng tunay na ina, higit pa ring nangingibabaw sa kaniyang puso na makilala ito. Hindi niya magawang magalit nang lubos dahil naging maganda naman ang kaniyang buhay at inaruga siya nang mahusay ng mga taong umampon sa kaniya.
Sa kaniyang pag-uwi, unti-unting nabubuo ang pagkatao ni Ryan dahil nakita na niya ang mga "kapatid" mula sa unang umampon sa kaniya na si Aling Toyang, na napag-alamang sumakabilang buhay na.
Nakilala rin niya ang isang lalaki na dating sundalo na hinihinala na kaniyang tunay na ama. Sumunod na kaya niyang makita ang kaniyang tunay na ina? Panoorin ang isa na namang nakaaantig na episode na ito ng paghahanap ng mahal sa buhay ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho."
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--FRJ, GMA News
