Hindi maitago ng Kapuso actor na si Ken Chan ang kaniyang tuwa ngayong opisyal na bahagi na siya ng GMA Music.
Pumirma si Ken ng kontrata nitong Martes at inamin niya sa mga GMA reporters na "dream come true" ang moment na ito.
"Matagal ko ng pangarap at wish talaga na mapasama sa GMA Music and finally kabilang na po ako sa GMA Music," ani Ken. "[Masaya po ako dahil] naniniwala po sila sa akin."
Ang biro ni Ken, baka raw ang ginagampanan niyang karakter sa "My Special Tatay" na si Boyet talaga ang gusto ng GMA Music at baka lahat daw ng kanta niya ay bilang si Boyet.
Ngayong araw unang narinig ng mga fans ang duet ni Ken at ng kaniyang "My Special Tatay" co-star na si Rita Daniela.
Bukas naman ang aktor sa pagsusulat ng sarili niyang mga kanta in the future, ngunit aniya, aasa muna siya sa gabay ng GMA Music. "'Yong tiwala ko kasi nasa kanila, kaya excited akong makatrabaho ang GMA Music," saad ni Ken. — GMA News
