Maliban sa paghahatid ng saya, maaari ding maging inspirasyon ng mga komedyanteng sina Boobay at Super Tekla dahil sa kanilang katatagan para malampasan ang mga pagsubok na kinaharap nila sa buhay.


Sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, ibinahagi nina Boobay at Super Tekla ang kanilang "serious side" kaugnay sa mga problema na kanilang pinagdaanan at nagpatatag sa kanila.

"'Yung naputukan kami ng Pinatubo, nu'ng na-washout 'yung buong barangay namin. Yung kagagawa pa lang ng bahay namin. Batang-bata pa lang ako, naging survivor na ako. Nakita ko na kung ano 'yung hirap ng buhay," sabi ni Boobay.

"Second, 'yung sa mama ko, nu'ng nagkaroon siya ng kidney failure. Thirdly, 'yung nangyari sa akin two years ago na na-mild stroke," dagdag pa ni Boobay.

Aminado naman si Tekla tungkol sa hirap ng kaniyang pamumuhay nang magpunta siya sa Maynila.

"Nu'ng wala pa ako sa industry, nagwo-work sa comedy [bar]. Kasi salta lang ako sa Manila. 'Yung challenge ba kung paano mabuhay sa Maynila. Kumbaga naranasan ko na lahat, janitor, as long as mag-survive, nag-manikurista ako. Kaya na-realize ko nga, mas mabuti pa sa bukid, kasi lilingon ka ng ganyan, may gano'n, libre lang. Dito lahat galaw, [may bayad]," saad niya.

Aminado rin sila na may mga pagkakamali silang nagawa sa buhay pero ang mahalaga raw ay natuto sila mula rito.

"Sana noong may dinaranas 'yung mother ko na kidney failure, nagda-dialysis siya, sana mas binigyan ko siya ng oras na makasama. Kasi noong wala siya hindi ko na siya nakasama kasi ang ginagawa ko noon, trabaho, trabaho, trabaho," sabi ni Boobay.

"Hindi ko naman ina-ano na mistake 'yun kasi diyan ka matututo e. Part ng buhay 'yan eh," para kay Tekla.

Kung may mensahe raw ang dalawa sa kanilang 22-year-old self kung bibigyan sila ng pagkakataon na bumalik sa nakaraan, sabi ni Tekla, "Sana hindi na lang ako nag 35. kasi noong 22 ako 'yun 'yung time na, kaga-graduate ko lang ng high school noon. Nu'ng 18 to 20, 21, 'yan 'yung stage na wala kang pakialam eh, ang sarap ng stage ng buhay na 'yan. kasi easy go lucky ka lang nu'n, walang problema."

Pasasalamat naman ni Boobay ang sasabihin niya sa kaniyang sarili; "Saludo ako sa kaniya kasi dahil sa kaniya kaya ganito ako kapursigido ngayon. 'Yan 'yung taon dati na nagpupursigi ako bumaba ng Baguio to Manila para magtrabaho kahit na ang ginagawa ko lang, dumaan sa likod ng camera, pero hindi ako sumuko. Ayan. Hindi ako nagsabi na 'Ayy ayoko na!' Hindi ako umayaw."

Samantala, aasahan na raw na mas kuwela, mas nakakatawa at nakaka-good vibes ang mga paandar na gagawin nila sa kanilang "The Boobay and Tekla Show," na mapapanood na rin sa telebisyon at hindi lang online.

"Manood ka ng TBATS or 'The Boobay and Tekla Show.' Ito 'yung show na pang-masa, sobrang wala pong pinipili itong show na ito. Everybody is welcome. Puwede kayong mag-suggest sa amin kung ano ang bet ninyo, gawin namin," ayon kay Tekla.

"May partisipasyon kayo. Ituro niyo, lulutuin namin," sabi ng dalawa.-- FRJ, GMA News