Isang Grade 8 student sa Lingayen, Pangasinan ang nasaktan matapos umano siyang kuyugin nang walang dahilan ng ng higit 20 menor de edad na mga babae rin.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabi ng biktimang itinago sa pangalang Lyka, na nag-aabang lang siya ng masasakyan nang pilitin siya ng isang grupo ng mga estudyante na sumama sa baywalk.
"Kung hindi pupunta, aanuhin ako sa Lunes. Tapos 'yon na, sumama ako kasi nanguna ang takot ko baka sabunutan ako," kuwento ng biktima.
Pagdating nila sa baywalk, doon na raw siya kinuyog ng higit sa 20 babaeng estudyante na pawang mga menor de edad din.
Ayon pa kay Lyka, sinabutan, sinuntok at pinahiga siya damuhan ng grupo. Nang makahanap ng tiyempo, tumakbo siya sa loob ng expo at nagpasaklolo sa security guard malapit sa lugar.
Nitong Martes, humarap sa mga opisyal ng Barangay Libsong West ang grupo ng mga estudyante at kanilang mga magulang, pati na si Lyka na kasama naman ang ina.
Ayon sa ina ni Lyka, nag-aalala siya sa kaligtasan ng kaniyang anak.
Sa huli, nagkasundo ang mga magulang ng mga estudyante at ang ina ni Lyka, na tutulungan sila sa nagastos sa pagpapagamot sa biktima.
Nakausap na rin ng pamunuan ng paaralan ang mga estudyante at kanilang mga magulang.
Tinututukan naman daw ng pulisya ang pagbuwag sa mga "gang" o grupo ng mga estudyante na maaaring nagdudulot ng masamang impluwensya sa mga ito.-- FRJ, GMA News
