Patay ang isang lolo at ang kanyang lalaking apo matapos masunog ang kanilang bahay sa Cagayan de Oro City, ayon sa ulat ng Balitanghali ng GMA News TV nitong Linggo.
Nakilala ang mga biktima na sina Bomidiano Ramoga, 64, at ang kanyang apo na si Chester, 10.
Na-suffocate raw ang mga biktima at hindi na nakalabas ng nasusunog na bahay, ayon sa mga awtoridad.
Base sa imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa tindahan sa harap ng kanilang bahay.
Nasagi umano ng isang pusa ang katol at ito ay napunta sa tangke ng butane.
Sumabog ang tangke ng butane at kumalat na ang apoy.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Quezon City
Samantala, sa Barangay Pansol sa Quezon City, limang bahay ang nasunog nitong Sabado ng gabi.
Aabot sa P50,000 ang halaga ng mga ari-arian na napinsala.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng sunog. —KG, GMA News
