Isang sanggol na lalaki na apat na buwang gulang pa lang ang nakitang umiiyak at basang-basa sa ulan sa isang sagingan sa Kidapawan City, Cotabato.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, sinabi ng social welfare officer nakita ng isang bata ang sanggol na gumagapang sa gilid ng sagingan sa Barangay Binoligan nitong Martes ng hapon.

Umiiyak daw ang sanggol dahil nabasa na sa ulan.

Kaagad namang sinabi ng bata sa barangay ang nakitang sanggol, na kinalaunan ay dinala sa police station, at ipinakatiwala naman sa social welfare office.

Nasa pangangalaga na siya ng Crisis Intervention Center ng lungsod at wala pa umanong kumukuha sa bata.

Maaaring magtungo sa police station kung sino man ang nakakakilala sa sanggol.--FRJ, GMA News