Kung bibigyan ka ng kapangyarihan, ano ang iyong pipiliin— ang makita ang nakaraan o makita ang hinaharap?
Ito ang sinagot ng mga Kapuso star nang pulsuhan sila kaugnay sa role ni Alden Richards na si Sep sa seryeng "The Girft" na pagkakalooban ng kakaibang misyon "The Gift."
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang isang episode sa "The Gift" kung saan nabaril na si Sep at nag-agaw-buhay. Pero may mahiwagang tinig na kumausap sa kaniya na nagsisimula ng kaniyang tungkulin.
Nawalan man ng paningin si Sep dahil sa insidente, may kakaibang kapangyarihan naman siyang makakamit.
"Ganoon ang 'gift' talaga, very essence of the title, malapit nang ma-reveal 'yan," sabi ni Alden.
Lumabas sa ginawang poll ng GMA News sa mga Kapuso online na 82% ang gustong makakita ng future para mapaghandaan nila ito.
Sumagot din ang mga Kapuso stars.
"Ako, gusto kong makita ang future," sabi ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.
"Ayoko nang bumalik sa past kasi okay na ko doon. Wala naman akong pinagsisisihan. Marami naman akong natutunan," ayon naman kay Jennylyn Mercado.
"The future can be scary and will change the way you decide. So, enjoy ko na lang 'yung past," sabi naman ni Heart Evangelista.
"Mas gugustuhin kong masilip na lang ang future para posibleng mapaghandaan ko siya," sabi ni Carla Abellana.
"'Yung future ang dami pang posible... Ang sarap makita kung ano pang posible, anong pwede," para naman kay Tom Rodriguez.
"Makita na lang ang past, pero titingnan ko lang kung anong nangyari sa akin dati," ani Thea Tolentino.
Tinanong din mismo ang bidang si Alden kung ano ang pipiliin niya.
"Tignan na lang natin 'yung past, kumbaga learn from it. Kasi ang future hindi natin hawak 'yan. Diyos lang ang may hawak sa future," paliwanag ni Alden.
Sa serye, nagsimula na rin si Sep na mag-adjust sa paggalaw nang walang paningin.
-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
