Hindi inasahan ni Bianca Umali na siya ang mapipili sa lead role ng HBO Asia series na "Halfworlds," na nagsimula raw sa isang clueless audition. Naniniwala rin ang aktres, ginabayan siya ng mga namayapa niyang magulang para maabot niya ang kaniyang mga pangarap.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ikinuwento ni Bianca na basta pinag-audition siya nang hindi niya nalalaman kung para saan.
READ: Bianca Umali, bida sa 3rd season ng action-fantasy series na 'Halfworlds' ng HBO Asia
Katunayan, nagte-taping pa siya noon para sa Kapuso series na "Sahaya" at lumiban lang para puntahan ang audition.
"'Basta punta ka lang, be there at 2pm... Wala, they weren't telling me anything, they weren't telling me anything about it," kuwento ni Bianca.
Sabi pa ng Kapuso actress, doon niya nakilala si direk Mikhail Red at ang team mula HBO Asia at Unitel, at pinasubok sa kaniya ang tatlong eksena.
Nalimutan na nga raw ni Bianca ang tungkol sa audition hanggang sa matanggap niya ang mapakagandang balita pagkaraan ng ilang buwan na siya ang napiling gumanap na bida sa bagong season ng serye.
READ: Bianca Umali, sumailalim sa sword fighting training para sa HBO series na 'Halfworlds'
Bibigyang buhay ni Bianca ang karakter na si "Alex", isang dalagang matapang, palaban at matatag dahil sa pinagdaanang mga pagsubok sa buhay.
"Grabe 'yung standards ko for myself and every after each scene I do, I feel like I didn't do enough," ani Bianca.
Panalangin ni Bianca, ito na ang magsisilbing tulay sa mas malalaki pa niyang pangarap.
"It was actually by far the biggest, biggest, biggest day of my whole life. As in, everyone saw it kung paano ako natulala because I was so overwhelmed," anang aktres.
Maagang naulila si Bianca sa magulang pero naniniwala siya na hanggang ngayon, ginagabayan pa rin siya ng mga ito.
"Ang paniniwala ko is malaking bagay 'yung mommy at daddy ko in heaven... Growing up alone when I learned things the hardest way possible. But still, heto pa rin 'yung mga binibigay nila sa akin," sabi ni Bianca. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
