Patay na nang matagpuan ang isang bagong silang na sanggol sa tambakan ng mga basura sa Barangay Dela Paz, Pasig City.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing namataan ang sanggol nitong Linggo sa tambakan ng mga basura sa kahabaan ng Imelda Street sa tabi ng Felix Avenue.

Sinabi ng barangay na unang nakita ang sanggol ng isang lalaking nangangalakal ng basura.

“Sabi sa amin may nakita daw siyang fetus. Nu’ng nakita namin parang hindi fetus. Sanggol na talaga siya. Kasi mayroon pang umbilical cord. Buo na po, may kuko na sa paa,” sabi ni Ronaldo Cerbito ng Barangay Security Force ng Dela Paz.

Nakabalot ang sanggol sa jacket at isinilid sa kahon at trash bag.

Iniulat na sa pulisya ang insidente.

“Agad natin pina-backtrack sa CCTV operators natin para alamin kung saan nanggaling. Pero wala kaming makita. Gano’n din po sa mga kalsada na kalapit nu’n," sabi ni Jay Santiago, kagawad ng Barangay Dela Paz.

"Kung sino man po 'yung magulang ng bata, sana makonsensiya ka sa ginawa mo. Baka mayroon nang nakaaalam. Ipagbigay-alam din po sa amin,” dagdag niya. —Jamil Santos/KG GMA News