Nahuli-cam sa Midsalip, Zamboanga del Sur ang paglusong ng ilang estudyante sa isang ilog sa Barangay Pisompongan habang nakataas ang isang kamay at hawak ang bag para hindi mabasa.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing ang mismong head ng Pisompongan Integrated School sa Midsalip ang kumuha ng video sa mga estudyante na tinawid ang rumaragasang ilog.

Nakuhanan umano ang tagpo dakong 5 p.m. noong June 24, 2025 habang patawid na sana ang estudyante, parents, at school head upang umuwi nang biglang tumaas ang tubig sa ilog dahil sa malakas na ulan.

Dalawa umano ang pagpipilian: ang hintayin na bumaba ang tubig sa ilog, o lumangoy para makatawid at makarating sa kabilang pampang.

Abot umano sa hanggang sa leeg ang malakas na agos ng tubig na nilusong ng mga estudyante na karamihan ay Grade 5 at nasa high school.

May video rin na makikita na may ilang magulang na inaalalayan ang mga estudyante para makatawid ng ilog nang ligtas.

“Gabayanihan even though dili nila anak pero ilang gihakot, balik-balik ba until nahurot ang tanang bata sa suba. Ilang gikuha para makauli,” ayon sa school head na si Gideon Goc-ong.

Ipinapaliwanag umano ng mga mag-aaral na kailangan nilang makauwi kaagad para maalagaan ang kanilang mga hayop.

“So nakakita ko sa bata nga nitabok galangoy gaaswat sa iyang bag, so I took a video of that until such time natingala ko nagkadaghan sila pag-ayo mao tong akong gipangutana, ngano manglangoy man mo? Nganong nanguli na man mo? Nganong inyong gipugos? Ingun siya, kinahanglan na muuli kay naa pay tugwayon, naa pay hayop pa nga itugway kay ulan man pud. Unya nabalaka pud sila basig mabahaan pud ang ilang mga hayop,” sabi pa ni Goc-ong.

Hiniling na umano ng mga school official sa local government na gumawa ng tulay sa ilog, na hurisdiksiyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Nabuhatan namo na og report sa pagkakaron. Murag mag-request gyud nga dinalian nga mabutangan og tulay diha kay DPWH na man gud maghawid ana,” ayon kay Diego Clavedo, head ng Midsalip Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Operation and Warning Section.

Iminungkahi naman ng MDRRMO sa mga guro at pinuno ng paaralan na maagang pauwiin ang mga estudyante kung masama ang panahon.

“Ang akong abiso sa tanang mga teacher, mga head sa school, dapat kung naa man gali ulan nga mahibaloan nato, palihog atong paulion og sayo ang mga estudyante, katong mga mangatabokay,” sabi ni Clavedo

Magsasagawa rin ang MDRRMO, Bureau of Fire Protection (BFP), at kapulisan ng river crossing drill para sa mga estudyante, magulang at mga guro para maturuan sila ng tama at ligtas na pagtawid sa ilog.—FRJ, GMA Integrated News