Kakaiba ang ginawang paraan ng isang babae sa pagkompronta sa kaniyang nobyo na nangangaliwa umano. Ang nakalap niyang “resibo” ng umano’y pagtataksil ng lalaki na nakikipag-chat sa ibang babae, ipina-frame niya at ginawang regalo sa lalaki.
Sa “For You Page” ng GMA Public Affairs, sinabing magdiriwang na sana ng kanilang ikalawang anibersaryo bilang magkasintahan sina “Jen” at “Ken.”
Hanggang sa matuklasan ni “Jen” na may pinopormahan na ibang babae ang nobyo kaya gumawa na siya ng sarili niyang hakbang. Hindi naman siya nagkamali sa kaniyang hinala nang malaman niya ang palitan ng mensahe ng kaniyang nobyo at ibang babae na kaniyang ipina-screenshot at ipina-frame.
Tiyempo namang pinaghahandaan nila ang kanilang ikalawang anibersaryo, pati na rin ang graduation day ng nobyo. Idinaan ni “Jen” sa regalo ang pagbubunyag na alam na niya ang ginagawang pagtataksil ni “Ken.”
Sa video, mapanonood na masaya at dahan-dahan pang binuksan ni “Ken” ang regalo. Ngunit nang makita ang laman ng naka-frame na regalo, ang excited na mukha ni “Ken,” biglang sumimangot.
“At that time po, I told him na, may gift ako sa ‘yo. When he was opening the gift, I saw that he was happy. Actually ‘yung sobrang kabado ko rin sa part na ‘yun. And then nu’ng in-open niya, ‘yung smile niya nag-fade. And then that’s where I took out some screehots about doon sa conversation nila which is a larger version. And naka-highlight naman doon ‘yung monthsary, ‘yung call sign nila,” kuwento ni “Jen.”
Inilahad din ni “Jen” ang laman ng screenshot.
“‘Yung girl po, she sent, parang, staycation hotel. And then ‘yung boyfriend ko, or ex ko, is nag-reply na, ‘Diyan na lang tayo sa monthsary.’ Tapos may call sign sila na ‘baby,’” kuwento niya.
Sa video, tinanong ni “Jen” si “Ken” na, “‘Saan itong villa na ito? Saan kayo magma-monthsary? Baby?’”
Bago nito, humingi rin ng tulong si “Jen” sa kapamilya ni “Ken.”
“I asked a certain family member from his side na, okay lang bang i-open mo ‘yung phone, tapos ipakita mo sa akin if ever may makita ka nga? I really hope na wala until doon sa part na nag-send ng screenshots, ng pictures. There was a conversation between him and another girl,” kuwento niya.
Nilinaw ni “Jen” na hindi biro ang ginawa niyang panghuhuli kay “Ken.”
Bago niya ito komprontahin, binigyan pa niya ang nobyo ng dalawang araw para tingnan kung aamin ito mismo sa ginawa nitong kataksilan.
Sa kabila nito, ipinagpatuloy ni “Ken” ang pagsisinungaling. Kaya si “Jen,” minabuting komprontahin ang nobyo.
“Nu’ng first po, my heart sank. Since I didn't really expect it from him. Since sa tagal ng relationship namin, going on two years, I didn't expect it na mangyayari. Nu’ng nalaman ko, my heart sank and I started crying. But then I knew na, at least now I know. Nagtuloy po ‘yung relationship nila. Sila po ngayon,” sabi ni “Jen.” – FRJ GMA Integrated News
