Binaha ang ilang lugar sa mga probinsiya ng Quezon at Camarines Norte nitong Linggo dahil sa ulang dulot ng shear line.
Sa Tagkawayan, Quezon, maraming lugar na ang nalubog sa baha. Hindi na madaanan ang ilang barangay roads.
Buwis buhay ang pagtawid ng mga residente sa rumaragasang baha sa Barangay Mapulot.
Pinasok na ng baha ang mga silid-aralan sa ilang barangay.
Sa Gumaca, Quezon ay halos mag-zero visibility na dahil sa makapal na ulap.
Hindi madaanan ang Old Zigzag Road sa Sitio Amao, Silangang Malicboy sa bayan ng Pagbilao dahil sa malaking puno na nabuwal dulot ng mala-bagyong sama ng panahon.
Camarines Norte
Sa Camarines Norte naman, inililikas na ang ilang residente ng Purok 4 sa Barangay Tuaca sa bayan ng Basud dahil sa abot-leeg na pagbaha nitong Linggo ng umaga, ayon sa barangay officials.

Nagtulong-tulong na ang mga barangay officials sa paglilikas sa kabila ng malamig na panahon.
Nakaantabay na ang mga local Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO).
Hindi na rin madaanan ang bahagi ng Maharlika Highway sa Camarines Norte dahil sa baha sa Sitio Namukanan sa Barangay Daguit sa bayan ng Labo, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Bicol.
May na-wash out din na excavated soil sa bahagi ng Maharlika Highway sa Barangay Bulala sa bayan ng Sta. Elena kaya't hindi rin madaanan ito. Inaayos na ito ng tauhan ng DPWH Bicol.
Ayon sa PAGASA, magkakaroon ng scattered rains at thunderstorms ngayong Linggo sa ilang bahagi ng Luzon dahil sa shear line at Northeast Monsoon (Amihan).
Inaasahang magpapatuloy ang pag-ulan sa malaking bahagi ng Southern Luzon. —KG GMA Integrated News

