Nag-alok ng tulong ang Singapore sa Pilipinas na maiuwi ang mga Pilipino, kasama ang iba pang mamamayan ng Southeast Asia, kasabay ng pagpapadala nila ng mga military aircraft sa Middle East upang iuwi ang kanilang mga kababayang Singaporean na nais umalis doon dahil sa nangyayaring kaguluhan sa harap ng labanan ng Iran at pinagsanib na puwersa ng Amerika at Israel.

Sinabi ni Singaporean Ambassador to the Philippines Constance See sa GMA News Online, na ipinaabot niya sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang alok ng pamahalaan ng Singapore na tumulong sa pagpapauwi ng mga Pilipino na nais bumalik sa bansa upang makaiwas sa kaguluhan sa Middle East.

Ayon kay See, isang A330 multi-role tanker transport plane ng Republic of Singapore Air Force (RSAF) ang ipapadala sa Jeddah sa Saudi Arabia sa Biyernes, Marso 12. Hindi pa matukoy ng embahador kung ilang upuan ang maaaring ilaan para sa mga Pilipino na nakadepende sa magiging tugon mula sa DFA.

“There is an ASEAN agreement to help each other’s nationals especially in countries where our members do not have a diplomatic presence in times of emergency, disasters or conflict,” saad ni See sa GMA News Online sa phone interview.

Nagpadala rin ang Singapore Air Force ng isang eroplano sa kabisera sa Riyadh noong Miyerkules upang maiuwi ang mga Singaporean na nais umalis sa Middle East matapos magsagawa ng airstrikes ang Amerika at Israel laban sa Iran.

Gumanti naman ang Iran sa pamamagitan ng missile at drone attacks laban sa mga kalapit na bansang Gulf na may mga base militar ng US at malapit ang ugnayan sa Washington, na naglalagay sa panganib sa libu-libong Pilipinong manggagawa sa Gulf region.

Ayon kay See, handa ang Singapore na magbigay ng tulong sa mga Pilipino at sa mga mamamayan ng iba pang kasaping bansa ng ASEAN. Sa nakaraang evacuation flight sa Oman, nakapagsakay ang eroplano ng Singapore at naiuwi ang mga mamamayan mula sa Brunei, Indonesia, Malaysia at maging Korea.

Nagbigay din ang Pilipinas ng katulad na tulong sa paglikas sa mga mamamayan ng ibang bansa nang sumiklab ang kaguluhan sa Libya noong 2014.— Michaela del Callar/FRJ GMA Integrated News