Nahuli-cam sa isang bangketa sa Paracale, Camarines Norte ang pananaksak at pagpatay ng isang lalaki sa isang babaeng biktima.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita sa kuha ng CCTV camera na lumapit ang isang lalaki sa biktimang babae sa bangketa.

Tila binatukan muna ng lalaki ang babae pero nakailag ang biktima.

Hindi nagtagal, inakbayan na ng lalaki ang biktima at doon na sinaksak.

Napasandal ang babae sa pader bago siya natumba. Habang ang suspek, tumakbo naman palayo at tumakas.

Isinugod ang biktima sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing dating kinakasama ng suspek ang biktima, nais na raw nakipaghiwalay ng babae.

Selos ang nakikitang motibo ng pulis sa nangyaring krimen, at nakainom din umano ang suspek.

Nadakip nitong Sabado ng umaga ang suspek na mahaharap sa kasong murder.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang suspek. Habang wala pang pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News