Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Biyernes na hinarang ang dating mambabatas na si Zaldy Co sa border ng Germany matapos siyang pumasok mula sa Czech Republic.

Isang araw matapos ianunsyo ang pagkakaaresto kay Co, sinabi ni Marcos na patuloy ang koordinasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa mga opisyal ng Czech.

“Our coordination with Czech authorities continues. The latest information confirms that Zaldy Co was stopped at the German border after entering from the Czech Republic,” sabi ni Marcos sa isang social media post. 

“He was denied entry and returned to Czech authorities, where he remains in custody,” dagdag niya.

Inaunsyo ni Marcos nitong Huwebes ng gabi ang pagkakadakip ni Co sa Prague.

Binisita ng mga opisyal

Binisita ng mga opisyal ng Pilipinas si Co sa Prague, Czech Republic kasunod ng kaniyang pagkakaaresto, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Biyernes.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Remulla na inaresto si Co sa Prague bandang 3 p.m. ng Huwebes (oras sa Maynila) dahil sa pagbiyahe umano na walang wastong travel documents.

Ito ay matapos kanselahin ang kaniyang Philippine passport at napaulat din na bigo siyang maipakita ang kaniyang Portuguese passport.

"Yes," sabi ni Remulla nang tanungin kung binisita na ng mga opisyal ng Pilipinas si Co sa Prague.

"'Yung ating police attaché nandoon na, nagko-coordinate, as well as very vigorous ang coordination ng ating DFA (Department of Foreign Affairs) dito sa local and international counterparts para mabilis ang kaniyang deportation papunta rito," dagdag niya.

Sinabi ni Remula na nasa mabuting kalusugan ang dating mambabatas.

"Ang balita namin, healthy naman. Healthy enough to travel. Nakakotse lang siya umikot sa Europe. So I guess he's healthy. Wala kaming exact medical report pero you would deduce that he is healthy enough to travel by car around Europe," dagdag niya.

Malapit na nakikipag-ugnayan ang Pilipinas, sa pamamagitan ng DFA, sa mga opisyal sa Czech para mapadali ang pagpapauwi kay Co.

Sinabi ni Remulla na nananatiling hindi tiyak ang eksaktong panahon ng pagbabalik ni Co sa Pilipinas, dahil ito ay depende sa gobyerno ng Czech at sa koordinasyon ng DFA.

“I give it a 70% to 30% chance na uuwi na natin dito. Pero as days go down, magiging 80% to 20% 'yan. I am almost certain na dahil tama ang procedure na sinusundan natin. Makukuha natin siya,” sabi niya.

Binanggit niya na ang deportasyon ni Co ay maaaring may kasamang pagbiyahe sa ibang bansa bago ang pagpapauwi.

“Nahuli siya as a, 'yun nga, traveling without public document and he's held in custody. Ang normal procedure diyan is that he is deported from port of origin,” ani Remulla.

“In this case, sa France. Sa France siya nanggaling tumawid,” dagdag pa niya.

Nahaharap si Co, dating chairman ng House committee on appropriations, sa kasong graft at malversation kasama ang 15 iba pa kaugnay ng substandard umanong P289 milyon na flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Itinanggi ni Co ang mga alegasyon na nakatanggap siya ng mga kickback mula sa ghost flood control projects gaya ng sinabi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Enginner Henry Alcantara sa Senate inquiry.

Nagbitiw si Co sa House of Representatives noong Setyembre 29, 2025, kasunod ng rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman ng posibleng pagsasampa ng kasong graft, malversation, at falsification laban sa kaniya at sa ilang opisyal ng DPWH sa Oriental Mindoro.

Sa harap ng Sandiganbayan noong Abril 7, tumestigo ang isang abogado ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na tumanggap si Co ng P802 milyon mula sa Sunwest Construction, ang contractor umano ng ghost na P289 milyon na flood control project sa Naujan.

Noong Marso ng taong ito nang panindigan ng Sandiganbayan ang deklarasyon nito na si Co ay isang “fugitive from justice.”

Naglabas si Co ng isang serye ng mga video na nag-aakusa kay Marcos at sa kaniyang pinsan, si dating Speaker Martin Romualdez, ng pag-orkestra ng P100 bilyon sa diumano'y mga insertion sa pambansang badyet.

Itinanggi ng Presidente at ng dating Speaker ang mga paratang ni Co, na kanilang dating kaalyansa.—Jamil Santos/AOL GMA News