Sa kabila ng kaniyang takot, mabilis na pumasok ng bahay ang isang 50-anyos na lola para itakbo palabas ang kaniyang apo sa pagyanig ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani nitong Lunes.

Sa CCTV footage ng YouScooper na si Jenny Rose Lantin-Simeon, mapanonood ang pagtakbo ng kaniyang ina, para kargahin ang kaniyang 3-anyos na anak.

Batay naman sa asawa ni Jenny Rose na nakausap ng GMA News, naiwan sa bahay ang mag-lola nang maganap ang lindol dahil nasa kabilang barangay siya bilang isang rescuer, habang nasa paaralan noon si Jenny Rose.

“Si mother-in-law po nasa labas ng bahay nagwawalis ng paligid. Pagsimula ng lindol, mabilis [siyang] pumasok ng bahay para kunin 'yung bata. Pero dahil sa sobrang lakas ng lindol, na-out [of] balance si mother-in-law,” sabi ng asawa ni Jenny Rose.

Kasalukuyang nananawagan ng tulong ang asawa ni YouScooper Jenny para sa kaniyang pamilya sa Sarangani. –Jamil Santos/NB GMA News