Bangkay na nang matagpuan ang isang lalaking negosyante matapos siyang pagbabarilin sa loob ng bodega ng isang gusali sa Sta. Cruz, Maynila. Ang mahigit P200,000 niya na pera, tinangay ng gunman.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing natagpuan ang mga labi ng lalaki na may mga tama ng bala nitong Lunes.

Sinabi ng barangay na nangungupahan lamang ang biktima sa bodega.

“Nangungupahan lang po sila para mamili ng mga board ng CP… Nakita lang nu’ng mga kasamahan niya dati naka-open 'yung kuwarto at nakita niya, naka timbwang na 'yung tao,” sabi ni Fererico Ganuelas, ex-o ng Barangay 303, Zone 29.

Hindi na nakapagbigay ang barangay ng kopya ng CCTV pero sinabi nilang hawak na ito ng pulisya.

Mapanonood umano sa footage na mag-isang pumasok at lumabas ng gusali ang gunman.

“Nakasumbrero, naka-face mask, naka red t-shirt, naka ano siya ng sako bag at gumawi po siya banda rito sa Sta. Cruz, doon po siya sumakay paalis, tricycle po,” sabi pa ni Ganuelas.

Tumanggi pa munang humarap sa camera ang pulisya ngunit ayon sa inisyal na impormasyon mula sa kanila, pagnanakaw ang pangunahing motibo sa krimen.

Napag-alaman nilang bag ng biktima na naglalaman ng mahigit P200,000 ang bag na nakita sa CCTV na dala ng gunman palabas.

Sa backtracking ng mga awtoridad, lumabas na bago ang pamamaril, dala-dala pa ng biktima ang kaniyang bag habang nakikipag-transaksyon sa binibilhan niya ng mga piyesa ng cellphone.

Patuloy ang pulisya sa kanilang follow-up operation sa ikadadakip ng gunman at malaman ang motibo sa pamamaril. —Jamil Santos/VBL GMA News