Nahuli-cam ang modus ng isang lalaki na nililito ang isang 11-anyos na batang babae at nagpanggap na kakilala ng ina nito para manakaw ang cellphone ng biktima sa Barangay Balong Bato, San Juan City.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang paglalakad ng isang batang babaeng naka-shorts, at lalaking nakasumbrero na may dalang plastic sa kahabaan ng F. Roman Street noong Hunyo 1.

Nagpaikot-ikot ang dalawa sa kalsada.

Sinabi ng barangay na hindi kilala ng bata ang lalaki, na tila nililigaw-ligaw siya.

Hanggang sa isang punto, kinuha na ng lalaki ang kaniyang cellphone saka siya iniwan.

Sinabi ng barangay na mag-e-enroll sana ang bata nang lumapit sa kaniya ang lalaki at nagpakilala umanong kakilala ng kaniyang ina.

Sinamahan pa ng lalaki ang bata sa eskuwelahan hanggang magpalakad-lakad sila sa kalsada.

Iniulat ng biktima ang insidente sa barangay sa tulong ng nakasalubong niyang residente.

“Ini-report nga na merong isang lalaki na nagpakilala na kilala raw ang kaniyang ina at sasamahan siya at merong ibibigay para sa kaniyang ina. Hanggang sa nakuha na po ang bagong cellphone ng ating biktimang bata,” sabi ni Kap. Alvin Alonzo ng Barangay Balong Bato, San Juan.

Patuloy ang paghahanap ng pulisya sa nahuli-cam na lalaki na nakapambiktima pa umano ng 8-anyos na babaeng kambal noong Mayo sa kanila ring lugar, ayon sa barangay.

“Same po ang modus ng lalaki. Magpapakilala siya na kakilala niya ‘yung mga magulang ng biktima at ipapaikot-ikot po sa ating barangay,” sabi ni Alonzo. —Jamil Santos/VBL GMA News