Nanawagan si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio kay Ateneo de Manila University men’s basketball team head coach Tab Baldwin na magsalita sa publiko ilang araw matapos ianunsyo ng unibersidad ang pagkamatay nina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity sa Aurora.
Sa isang pahayag sinabi ni Gregorio, “Where is Tab Baldwin? Why is he still not speaking up?”
“This is beyond Ateneo. This is a national concern. Out of respect for the family and the Filipino people, he has to come forward,” pagpapatuloy ni Gregorio.
Nitong Huwebes, hindi pa naglalabas ng pahayag si Baldwin tungkol sa insidente.
“He has been here for 10 years. I don't understand why he can't understand our culture — konting respeto at pakikipagkapwa naman," sabi ni Gregorio.
Si Baldwin ang nagsisilbing head coach ng Blue Eagles mula pa noong 2016 at pinangunahan ang koponan sa apat na kampeonato sa UAAP, kabilang ang isang three-peat mula 2017 hanggang 2019, at isa pang titulo noong 2022.
Sinabi ng PSC nitong Huwebes na magbibigay ito ng tulong pinansyal sa mga pamilya nina Baterbonia at Adili, habang magsusulong din sila ng mga reporma na naglalayong palakasin ang mga hakbang sa kaligtasan para sa student-athletes. —Justin Kenneth Carandang/Jamil Santos/VBL GMA News

