Hinuli ang isang motorcycle rider matapos siyang mag-counterflow sa EDSA Busway sa pagitan ng Guadalupe at Buendia. Ang rider, naiwan ang driver’s license at OR/CR matapos tumakas.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes, mapanonood sa video ang pag-counterflow ng rider na walang suot na helmet na nasa gilid ng Busway.
Dahil dito, naantala ang biyahe ng isang bus.
Rumesponde ang mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) at napahinto ang rider.
Binigay ng rider ang kaniyang mga dokumento pagkahingi sa kaniya ng mga awtoridad.
Ngunit bago makumpleto ang proseso, tumakas ang rider at naiwan ang mga ito.
Itu-turn over sa Land Transportation Office ang mga dokumento.
Hihilingin din ng SAICT sa LTO na isyuhan ng show cause order ang rider. —Jamil Santos/VBL GMA News
