Isang lalaki dinakip dahil sa pagbabanta at pananakot sa isang lalaki na may pagkakautang umano sa kaniya sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV ng isang convenience store sa Quirino Highway ang lalaking suspek.
Ilang saglit pa, nagsidatingan ang mga pulis at kaagad na pinadapa ang suspek sa pagbabanta at pananakot umano sa biktimang lalaki na nangungupahan sa lugar.
“Tatakutin lang sana nila because 'yung victim natin is allegedly mayroong atraso, sum of money sa ating mga suspek. So gusto nila sigurong mangolekta ng pera doon sa ating victim. This is a parang bayad sa drugs na allegedly lang na atraso niya doon sa mga suspek natin,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Reyson Bagain, hepe ng San Jose del Monte Police.
Sinabi ng pulisya, na nakatakbo palayo ang biktima at nakahingi ng tulong.
“Nakahingi siya ng tulong sa ating barangay and in turn naman 'yung barangay natin is humingi ng police assistance dito sa ating himpilan. Nagtago sila sa isang convenience store at doon namin na tunton 'yung suspek,” ani Bagain.
Samantala, itinuro naman ng suspek ang apat na kasama niya na totoong may alam umano sa kanilang pakay.
“Sinama lang po kasi ako doon noong time na ‘yun. 'Yung mga kasama ko hindi ko naman talaga kilala ‘yan. Ilagay ko lang daw po sa istante. Tapos hintayin ko lang daw po. Hintayin ko po daw po siyang dumating. Babalikan daw po niya ako. Hindi ako sumunod. Baka madamay pamilya ko,” sabi ng suspek.
Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa apat niyang kasama.
Sinusubukan pa ng GMA News na hingan ng pahayag ang 45-anyos na biktima tungkol sa pagkasangkot niya umano sa ilegal na droga.
“Sa ngayon, iniimbestigahan pa rin namin kung may link talaga sa illegal activity 'yung ating biktima,” sabi ni Bagain tungkol sa paratang na sangkot siya sa ilegal na droga.
Dalawang hindi lisensyadong baril na karagado ng mga bala ang nakumpiska sa suspek. – Jamil Santos/FRJ GMA News
