Sa kulungan ang bagsak ng isang 18-anyos na estudyante matapos siyang arestuhin dahil sa post niyang bomb threat sa social media laban sa pinapasukan niyang eskuwelahan sa Nueva Ecija. Payo niya sa iba matapos siyang mahuli, huwag siyang gagayahin.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nagpadala pa ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) unit ang mga awtoridad upang matiyak na ligtas ang eskuwelahan.

Napag-alaman na nag-post ang estudyante ng babala tungkol sa umano'y pagpapasabog sa kanilang paaralan noong Hulyo 27, 2026. Dahil dito, agad na rumesponde ang EOD unit ng Philippine National Police (PNP).

Matapos ang ilang oras na inspeksyon, walang natagpuang anumang pampasabog sa loob ng paaralan. Pero nagdulot ang naturang post ng takot sa mga guro, mga estudyante at mga magulang.

Ayon kay Llanera Police Acting Chief Capt. Edmer Portilio, nakasaad sa Facebook post ng estudyante na: "Hi, magpapasabog po ako sa school, sa school bukas. Ingat."

Kalaunan, natunton at inaresto ng pulisya ang estudyante. Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang kaniyang cellphone na sasailalim sa cybercrime forensic examination.

Batay sa imbestigasyon, inamin ng estudyante na siya ang gumawa ng naturang post at idinahilan na nais lamang niyang masuspinde ang klase.

"Para lang pong walang pasok po sa nasabing paaralan. 'Yun po ang sinabi niya sa akin. Base po sa pag-iimbestiga namin, 'yun lang po 'yung naging alibi niya," ani Portilio.

Inamin din ng estudyante ang kanyang pagkakamali at iginiit na wala siyang intensyong magsagawa ng anumang pagpapasabog sa paaralan.

"Huwag ninyo subukan gawin 'yung mga ganun. Hindi maganda dito sa loob [ng kulungan]," saad ng estudyante.

Itinanggi rin niya na may nalalaman siya tungkol sa mga pambasabog.

"Hindi ko talaga intensiyon na gawin 'yun. Wala akong talagang alam sa pagpapasabog. Wala po talaga. Hindi ko kakayanin gawin 'yun," dagdag niya.

Nahaharap ang estudyante sa reklamong paglabag sa Anti-Bomb Joke Law at Cybercrime Prevention Act of 2012. – FRJ GMA News