Nadakip sa Cavite ang suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang lalaki sa Santa Ana, Maynila noong Hunyo. Pero ang suspek, itinanggi na may kinalaman siya sa krimen.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang CCTV ng pagdating ng 28-anyos na si Kyle Castro sa Dagonoy Street noong hapon ng Hunyo 10. Hindi nagtagal, pinagbabaril na siya ng salarin sa harap ng ibang tao.

Nagtamo ang biktima ng pitong tama ng bala ng baril na kaniyang ikinamatay.

Sinabi ng Manila Police District na agad ding nahuli noong mismong araw ang driver ng getaway vehicle ng gunman. Itinuro ng driver ang pagkakakilanlan ng kasama niyang bumaril sa biktima kaya nagkasa ng follow-up operation ang mga awtoridad.

Gayunman, mailap umano ang gunman na nagtago sa iba't ibang bahagi ng Rizal. Inilabas ang warrant of arrest laban sa kaniya noong Hulyo 25 para sa kasong murder.

“Nagkaroon siya ng girlfriend dito sa may Tanza, Cavite. So doon na kami nag-start ng casing and surveillance until na-pinpoint namin na dito sa may Carissa, Barangay Bagtas, Tanza Cavite. Doon sila nakatira,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Ryan Valenzuela, Assistant Chief ng MPD - DPIOU.

Hindi na narekober ang baril na ginamit sa krimen matapos itong itapon umano ng 32-anyos na akusado.

Napag-alaman din na labas-masok na sa piitan ang akusado dahil sa ibang-ibang kaso gaya ng possession of illegal drugs, illegal possession of firearms, murder at frustrated murder.

Dagdag ng pulisya, posibleng sangkot din siya sa gun for hire group.

Tumangging humarap sa camera ang akusado, na itinanggi ang krimen.

Sinabi naman ng ina ng biktima na taong 2018 nang mabilanggo ang anak niya matapos taniman umano ng droga. Nabanggit umano sa kanila ng mga kaibigan nito na isang malaking tao ang nabangga ng biktima habang nakakulong siya.

Ngunit palaisipan sa kanila kung sino at ano ang dahilan nito.

Taong 2022 nang makalaya ang biktima.

“Nu'ng bumaba naman 'yung hatol, not guilty siya. Nu'ng nahuli 'yung driver, ikinuwento niya na sa loob palang pinagplanuhan na ‘yun at maraming inalok para barilin o patayin 'yung anak ko, worth P1 million daw. Kasi 'yung driver mismo, binayaran daw siya ng P20,000 ipag-drive lang ‘yung bumaril,” sabi ng nanay ng biktima.

May clothing line business ang biktima, at isang babae na kakilala ang ginamit umano ng mga salarin para pumunta ito sa lugar kung saan siya binaril. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News