Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang lalaki habang palutang-lutang sa Delpan Wharf sa Binondo, Maynila nitong Lunes ng hapon.

Isang guwardya raw ang nakadiskubre sa bangkay at agad niyang ipinagbigay alam ito sa mga awtoridad.

Ayon sa isang residente, hindi nila kilala ang biktima pero dalawang babae umano ang nagpunta sa lugar para sana alamin kung ang natagpuang bangkay ba ang trabahador nila na mahigit dalawang araw ng nawawala.

"Pinakita po 'yung picture pero hindi na po nakilala. Sabi ng dalawang babae mga 3 days na raw hindi umuuwi sa kanila," sabi ni John Rey Asuncion, isang residente.

Pero ayon sa pulisya, may posibilidad din umano na inanod lamang papunta sa lugar ang bangkay dahil na rin sa lakas ng current ng tubig nitong mga nakalipas na araw.

"Medyo bloated na eh, kasi ilang araw ng nag-uulan sa area natin," ani Police Major Conrado Punzalan Jr., chief of intelligence, Duty OD, Delpan Police Station.

"Laging baha sa ano, baka natangay lang sa area namin kasi hindi kilala ng mga residente du'n sa lugar namin eh," dagdag niya.

Sa inisyal na pagsusuri, wala naman umanong mga sugat o external injuries na nakita sa katawan ng lalaki na posibleng nasa apatnapung taong gulang na.

Nakasuot siya ng printed T-shirt na may mukha ni Mama Mary at Jesus at nakasuot din siya ng kulay pulang shorts.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Manila Police District sa iba pang mga police station para malaman kung mayroon bang naireport sa kanila kaugnay sa nawawalang lalaki na tumutugma sa deskripsyon ng natagpuang bangkay.

Nasa punerarya na ang katawan ng biktima na nakatakdang isailalim sa autopsy. —KG GMA News