Arestado ang isang babaeng nahuli-cam na nagnakaw sa isang paaralan sa Maynila.

Sa kuha ng CCTV sa loob ng A. Mabini Elementary School sa Quiapo, Maynila nitong nakaraang buwan, makikita ang isang babae na dumungaw sa loob ng isang classroom bago siya tuluyang pumasok.

Ilang saglit lang, makikita na ang babae na tila may inaayos sa kanyang bag bago tuluyang bumaba sa hagdan.

Ang babaeng nakuhanan sa CCTV, magnanakaw pala ayon sa pulisya.

Natangay niya raw noong araw na 'yan ang wallet ng isang guro na wala noong mga oras na 'yon sa kanyang classroom.

Nang mai-post sa social media ang mukha ng babae, dito nalaman na bukod sa nasabing paaralan, pinagnakawan din pala niya ang tatlo pang paaralan sa Paco at Pandacan sa Maynila nito ring mga nakalipas na linggo.

"Sinasamantala niya 'yung pagkansela ng klase. 'Pag kansela kasi ng klase, 'yung mga magulang, puwedeng pumasok sa eskwelahan para sunduin 'yung kanilang anak. So siya, nagpapanggap na magulang hanggang sa makapasok siya sa mga classroom," sabi ni Police Major Tom Jay Fallar, chief administrator ng Manila Police District-Special Mayor's Reaction Team (S.M.a.R.T.).

Natunton ang inuuwian ng babae sa Barangay 872 sa Sta. Ana, Maynila.

Dito natukoy ang kanyang pagkakakilanlan hanggang sa nalaman na mayroon pala siyang warrant of arrest sa Quezon City noon pang 2022 para sa kasong theft.

Sa patuloy na pag-iimbestiga ng mga mga awtoridad, napag-alaman din na ang naarestong babae ang suspek sa pagnanakaw sa iba't ibang simbahan sa Metro Manila at Bulacan.

Taong 2017 daw nang pinasok niya ang isang simbahan sa Mandaluyong City at tinangay ang ilang gadget doon.

Taong 2021 nang pinasok niya ang isang chapel sa Sta. Maria, Bulacan at tinangay ang aabot sa P30,000 na halaga ng gadget at cash.

Nitong 2022 naman nang tinangay niya sa isa ring simbahan sa Novaliches, Quezon City ang isang wallet na naglalaman ng P50,000.

"Kumukuha siya ng pagkakataon eh. 'Pag 'yung isang tao eh alam mo na nagdadasal, eh du'n niya ginagawa 'yung pagnanakaw niya," sabi ni Fallar.

"Alam nila nasa simbahan sila, walang gagawa ng masama. So du'n siya nagkakaroon ng pagkakataon," dagdag niya.

Nasa custodial facility na ng Manila Police District ang akusado na sinusubukan pa naming makuhanan ng pahayag. —KG GMA News