Naglabas ang isang korte sa Quezon City (QC) ng arrest warrant laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay sa kinakaharap na kasong grave threats, na puwedeng piyansahan.

Sa kautusan ng QC Regional Trial Court Branch 98, sinabi ng korte na nakakita ito ng probable cause o batayan upang isailalim sa paglilitis si Duterte sa nasabing kaso.

“Together with its supporting evidence, and after due consideration of the arguments raised by both parties in their oral arguments, the Court finds that there is probable cause to hold the accused for trial for the crimes charged in the Informations,” saad sa desisyon.

Sinabi ng abogado ni Duterte na haharapin ng bise presidente ang mga kasong isinampa laban sa kaniya.

"Regardless of the question on jurisdiction, she has no intention of evading the law and will continue to exercise all her legal remedies," sabi ng abogado ni Duterte na si Atty. Paul Lawrence Lim, sa isang pahayag statement.

Samantala, sinabi ng DOJ sa hiwalay na pahayag na P120,000 per count ang itinakdang piyansa sa kaso ng bise presidente.

“As a matter of procedure, warrants of arrest are transmitted directly by the Court to the appropriate law enforcement agencies for implementation,” ayon sa DOJ.

Iginagalang naman ng Malacañang ang desisyon ng korte.

“Ginagalang ng Palasyo ang anumang desision o kautusan ng korte,” pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro.

Noong unang bahagi ng Agosto, nagsampa ang DOJ ng tatlong bilang ng grave threats laban sa bise presidente dahil sa kaniyang mga pahayag na may kinausap na siyang tao para patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez, sakaling mayroong masamang mangyari sa kaniya.

Kasunod nito, naghain si Duterte ng motion to quash batay sa usapin ng hurisdiksyon. Iginiit niya na siya at iba pang impeachable officials ay may limitadong procedural immunity, o hindi maaaring kasuhan habang nasa puwesto, alinsunod sa 1987 Constitution.

Noong Agosto, isinagawa ng korte ang oral arguments kaugnay ng naturang mosyon.

Ayon sa DOJ, ibinasura ng korte ang mosyon ni Duterte dahil sa kawalan ng merito.

“The Department respects the Court’s ruling and reaffirms its commitment to the rule of law,” ayon sa DOJ.

Samantala, sinabi na rin noon ng bise presidente na ang kanyang mga pahayag ay “maliciously taken out of logical context."

Nilinaw din niya na hindi banta ang kaniyang pahayag tungkol sa “assassination,” at sinabing binigyang-diin lamang niya ang umano’y banta sa kaniyang seguridad.

Samantala, ibinasura naman ng korte ang reklamong inciting to sedition laban sa opisyal kaugnay ng naturang pahayag.

Isa rin sa mga batayan ng isang Article of Impeachment laban kay Duterte ang pagbabanta umano niya sa buhay ni Marcos, na kasalukuyang dinidinig ng Senate impeachment court. — may report din si Giselle Ombay/FRJ GMA News