Ipinagpaliban ng Quezon City Regional Trial Court 98 nitong Biyernes ang pagbasa ng sakdal laban Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga kasong grave threat dahil sa mosyon na inihain ng kaniyang kampo.

Sinabi ni Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ni Duterte, na hiniling nila ang pagpapaliban ng pagdinig, bagay na pinayagan ng korte. Tumanggi siyang ibahagi ang uri ng mosyon dahil sa pagiging sensitibo nito at bilang paggalang sa korte.

"Hindi muna matutuloy ‘yung arraignment, so suspended muna. So ‘yun lang po ang masasabi ko," sabi niya sa mga reporter sa isang ambush interview.

"Hindi ko masasabi po 'yung nature ng motion. Pero kabilang na doon sa mga hinihingi namin 'yung ipagpaliban muna or i-defer 'yung kaniyang arraignment habang pinag-aaralan ng huwes 'yung motion. So pinagbigyan naman niya 'yung pag-defer," dagdag niya.

Naghain ang kampo ni Duterte noong Agosto 21 ng mosyon para sa certiorari at pagbabawal laban sa mga impormasyong inihain sa korte ng Quezon City, na humiling ng injunction sa mga kaso at mapawalang bisa ang mga ito.

Nitong Setyembre 4, naghain sila ng mosyon na humihiling sa Korte Suprema na iutos ang pagbawi ng mga warrant.

Noong Huwebes, naghain din sila sa SC ng isang urgent motion para lutasin ang kaniyang aplikasyon para sa isang temporary restraining order sa kasong grave threats na isinampa laban sa bise presidente.

Nang hingan ng komento, sinabi ng Department of Justice na iginagalang nito ang desisyon ng korte na ipagpaliban ang arraignment.

“We will allow the judicial process to take its course. At this point, the prosecution will reserve further comment until the motion has been resolved,” saad nito.

Tumanggi rin ang Department of Justice na talakayin ang nilalaman ng mosyon ni Duterte.

Sinamahan ang Bise Presidente ang kaniyang kapatid na si Rep. Paolo Duterte nang dumating siya sa QC Hall of Justice noong 8:30 ng umaga. Sandaling binati nila ang kanilang mga tagasuporta bago nagtungo sa korte.

Umalis si Duterte sa QC Hall of Justice noong 9:00 ng umaga.

Nagpiyansa si Duterte sa kinakaharap na kaso noong Sabado, isang araw matapos lumabas ang warrant of arrest laban sa kaniya.

Nagsampa ang Department of Justice noong Agosto 11 ng tatlong count ng mga kasong grave threat laban kay Duterte kaugnay ng mga pahayag na ginawa niya online noong 2024.

Sa punong balitaan, sinabi ni Duterte na may kinausap na siyang tao para patayin sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at si House Speaker Martin Romualdez, kung may masamang mangyayari sa kaniya. – Joviland Rita/Jamil Santos/FRJ GMA News