Sugatan ang apat katao, kabilang ang tatlong menor de edad, dahil sa pananakit umano ng ilang mga tauhan sa isang barangay sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang pagdampot ng isang ex-o ng barangay sa 21-anyos na lalaki na nakatambay sa isang motorsiklo gabi ng Setyembre 16.
Pero sa halip na sa barangay hall dinala ang lalaki, idiniretso siya sa isang eskinita kung saan may iba pang mga opisyal ng barangay na nag-iinuman.
Sumunod ang ama ng lalaki para alamin kung bakit dinampot ang kaniyang anak.
“Ta’s may sumunod po na dalawa, ‘yung kuya ko po ta’s may kasama po siyang isa para rin sundan ‘yung kuya ko na kinuha po nila na hindi naman dapat,” sabi ni Denice Hilado, kapatid ng isa sa mga biktima.
“Ipinagtataka lang namin, puwede naman po talagang ipatawag sa barangay. Pero ang ginawa nila, dinala nila sa eskinita,” sabi ng kaibigan ng isa sa mga biktima.
Imbes na mag-usap, humantong ito sa gulo. Mapanonood sa isang cellphone video na nagkasuntukan ang ex-o ng barangay at isang lalaking nakaputi na kasama ng kapatid ng inarestong 21-anyos.
Nakatakbo palayo ang lalaking nakaputi. Ilang saglit pa, lumapit ang nakaitim na tanod sa kapatid ng lalaking dinampot ng mga taga-barangay.
Makaraan ang kalahating oras, mapanonood na sa CCTV na naglalakad ang lalaking nakasuntukan ng ex-o habang sira-sira ang mga damit sa tapat ng barangay hall kasama ang ilan pang lalaki.
Magpapa-blotter umano sana sila tungkol sa insidente, pero sinabihan silang ipagpabukas na lang ito.
Sa sumunod na kuha, mapanonood naman ang lalaking nagulpi sa inuman at ang ilang kabataan na naglalakad pabalik.
Hindi gaanong nakunan sa CCTV ngunit doon na nagpang-abot sa kanto ang mga lalaki at mga taga-barangay.
Doon na umano sinaktan ng ilang tauhan ng barangay ang tatlong menor de edad at isang 22-anyos na lalaki.
“May nasampal pong menor de edad, may tinutukan po ng baril. Tapos may tinutukan din po ng stick po, ice pick po tinutukan,” sabi ni Hilado.
Sa isa namang kuha, makikita ang isang tanod na tila hinahanap ang mga lalaking nagtungo sa barangay. Ilang saglit pa, narinig ang isang putok sa lugar, na sinundan ng isa pang putok.
Nakunan sa CCTV camera ang tanod na nagtaas ng kamay.
Sinubukan ng GMA News na hingan ng pahayag ang pamunuan ng barangay tungkol sa mga paratang laban sa kanila ngunit hindi sila humarap sa camera.
Gayunman, iginiit nila na hindi nagpaputok ng baril ang kanilang tanod at handa silang sumagot sa korte tungkol sa mga paratang sa kanila.
Nagsampa na ng reklamo ang mga menor de edad na ginulpi umano ng mga taga-barangay. Kasama sa mga inireklamo ang isang kagawad, ex-o at isang tanod.
Hindi na nagsampa ng reklamo ang lalaking ginulpi sa inuman, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya. – Jamil Santos/FRJ GMA News
