Panalo ng gintong medalya si EJ Obiena ng Pilipinas matapos mangibabaw sa men’s pole vault competition sa 2026 Asian Games nitong Martes sa Nagoya City Mizuho Park Athletic Stadium sa Japan.

Sa 12 kalahok, tanging ang 30-anyos na si Obiena ang nag-iisang atleta na nakalagpas sa taas na 5.75 metro. Kaya matagumpay niyang naidepensa ang kaniyang pagkapanalo ng gintong medalya noon sa 2023 Asian Games sa China.

Pero bukod sa muling pag-uwi ng gold medal, winasak din niya ang matagal nang Asian Games record para makuha ang una niyang continental title.

Ngunit hindi pa doon nagtapos si Obiena, na siya ring may hawak ng Asian record na 6.00 metro.

Nang matalo na ang lahat ng kaniyang katunggali, nalagpasan ni Obiena ang 5.91 metro sa unang pagtatangka upang magtakda ng bagong Asian Games record, at nilampasan ang dati niyang rekord na 5.90 metro sa nakaraang edisyon.

Samantala, nakuha ni Yao Jie ng China ang silver matapos makalagpas sa 5.70 metro, habang ang kapwa niya Chinese bet na si Li Chenyang ay nakalagpas din sa parehong taas ngunit nauwi sa bronze dahil sa countback.

Dahil sa kaniyang pinakabagong tagumpay, napantayan ni Obiena, na kasalukuyang world No. 11, ang kaniyang season-best na 5.91 metro na naitala niya sa Golden Sand Meet sa Poland.

Ang gold ni Obiena ang ikatlong gintong medalya ng Pilipinas sa Asiad. Ang dalawang ginto ay mula kay Carlos Yulo na naghari naman sa floor exercise at vault events ng men’s gymnastics.

—Bea Micaller/FRJ GMA News