Bagaman kilala bilang komedyante, seryoso naman si Bayani Agbayani pagdating sa usapin sa pulitika, tulad sa mga alegasyon ng katiwalian sa paggamit ng pondo ng bayan.
Sa nakaraang pagbisita ni Bayani sa Fast Talk with Boy Abunda, tinanong ni Tito Boy si Bayani tungkol sa naging post niya noon na may kaugnayan sa katiwalian sa paggamit ng pondo sa flood control flood projects.
Iginiit ng komedyante na nararapat ang parusang kamatayan sa mga mapapatunayang sangkot sa katiwaliwan para hindi na umano gayahin ng iba.
“Kapag nagnakaw ka, binoto ka ng tao o nasa poder ka ng gobyerno nagtatrabaho, dapat bitay. Para sa ganu’n wala nang gumaya pa na iba,” saad ni Bayani tungkol sa mga mapapatunayang naglustay ng pera ng bayan.
“Kasi po ‘yan talaga ang problema natin, graft and corruption, plunder. Kasi parang ginagawa nilang negosyo ang pagpasok sa gobyerno,” dagdag niya.
Ipinaliwanag din ni Bayani ang kahalagahan ng pagrespeto sa paninindigan at pananaw ng iba. Aniya, hindi dapat ipilit ng isang tao ang kaniyang pananaw at paninindigan sa iba.
“Dapat kung ano ang ating paninindigan at paniniwala, igalang ng bawat kapuwa. Kasi hindi naman pupuwedeng kung gusto mo ng chicken, gusto ko rin. Malamang gusto ko steak pero pareho tayong kakain, sabay sa isang kanin,” paliwanag niya.
“Hindi pupuwedeng kung ano yung gusto mo, gusto ko. Kahit sa pag-aasawa, lahat ng ugali ni Lenlen (misis niya) na kaiba sa akin ay tinatanggap ko. Kasi magkaiba kami ng paninidigan, magkaiba kami magulang, magkaiba kami ng kinagisnan, magkaiba kami ng paniniwala, although mag-asawa kami. Kaya dapat igalang ‘yon,” pagpapatuloy niya.
Giit pa niya, hindi puwedeng ipilit ng tao sa iba ang gusto niya.
Inihayag din ni Bayani na plano niyang sumubok muli na pumasok sa pulitika matapos mabigong manalo ang sinamahan niyang partylist group noong 2025 elections.
Ayon sa komedyante, nais niyang tulungan ang mga working student na kaniyang naranasan din noong nag-aaral siya.
“Kasi working student ako Tito Boy (noong nag-aaral). Kaya gusto kong tulungan yung mga nag-aaral na pinag-aaral yung sarili nila,” pahayag niya.
Maraming batas umano ang puwedeng gawin para sa working students. Gaya ng pagbibigay ng sahod ang mga working student na nagpa-practicum, o internship, o estudyanteng nagsasanay ng trabaho sa mga kompanya.
Dati nang ibinahagi ni Bayani ang pagiging working student niya habang nag-aaral noon sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) kung saan nagtapos siya sa kursong Bachelor of Arts in Mass Communication major in Broadcasting. – FRJ GMA News
