Pinabulaanan ni Basilan Governor Mujiv Hataman ang ulat na naka-lockdown ang lalawigan kasunod nang nangyaring magkasunod pananambang sa tropa ng mga militar.

“Hindi po totoo ‘yon [lockdown]. Very normal ang situation kahit sabihin pa natin na mayroon mga series ng pangyayari,” pahayag ni Hataman sa Facebook live nitong Lunes.

“Pero hindi po apektado ang buong kabuhayan ng ating mga kababayan dito sa ating lalawigan,” dagdag ng gobernador na ipinagtaka na may nabasa siyang may total lockdown sa lalawigan.

Paliwanag pa ng gobernador, may mga bisita siya na nakipagpulong sa kaniya at maayos na nakaalis dahil normal ang pagbiyahe sa lalawigan.

“Walang total lockdown o kahit anong lockdown,” giit ni Hataman, na umaasang maitatama ang ulat na lumabas na wala umanong katotohanan.

Noong Biyernes, pitong sundalo at dalawang sibilyan ang nasugatan sa nangyaring pananambang ng mga armadong lalaki sa Barangay Sabong sa Lamitan City, Basilan.

Bago nito, may tropa rin ng militar ang tinambangan sa bayan Tipo-tipo noong Lunes na ikinasugat ng 10 sundalo.

Mariing kinondena ni Hataman ang naturang mga pananambang, habang bumisita naman si Defense Secretary Teodoro sa Basilan noong Martes. – FRJ GMA News