Isang fetus ang natagpuang nahalo sa mga basura sa Regalado Highway sa Barangay North Fairview, Quezon City bago mag-alas tres y media ng hapon nitong Linggo, Nobyembre 1, Araw ng mga Patay.
Nakasilid ang fetus sa kahon ng sapatos at ibinalot sa plastic.
Ayon sa mga taga-barangay, isang lalaking nangangalakal ng basura ang nakadiskubre sa fetus.
Sa kuha ng CCTV, kita ang lalaki na itinutulak ang kanyang trike.
Huminto siya malapit sa poste kung saan nakatambak ang mga basura.
Matapos ang ilang minutong pagkalkal, naglakad siya para tawagin ang isang residente.
Lumapit ang dalawa sa mga basura.
Tumakbo ang residente para ireport sa barangay ang nakitang fetus.
“Agad naman na rumesponde itong mga BPSO (barangay public safety officer) at nag-coordinate na rin tayo sa QCPD (Quezon City Police District) Station 5. Doon sa pagkakatingin namin sa bata, malaki na kasi dalawang palad mo kailangan para mabuhat mo 'yung bata,” ani Jayve Frech Marigondon, ang kagawad ng Barangay North Fairview.
Sa ilang oras na back tracking ng mga awtoridad sa kuha ng CCTV, nakita na ilang nangangalakal ang huminto sa lugar para tingnan ang mga basura.
Hindi pa matukoy kung sino ang posibleng nag-iwan sa fetus.
“Hindi sila residente pero sila 'yung regular na dumaraan dito sa kahabaan ng highway para kumuha ng basura o magpulot ng mga kung ano puwede nila mapakinabangan,” dagdag ni Kagawad Marigondon.
Patuloy ang imbestigasyon ng QCPD.
Inaalam pa ng pulisya kung may ibang establisimiyento na may CCTV na nakahagip sa nag-iwan sa fetus. —KG GMA News
