Mga dating pulis ang dalawa sa limang suspek na nasawi sa pakikipagbarilan sa mga awtoridad sa Bacoor, Cavite, nitong Martes, ayon sa Philippine National Police (PNP).

“Dalawa po doon sa napatay na suspek ay dating pulis. So yung isa po was already dismissed. Another is nag-AWOL po noong February,” ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Allen Rae Co sa press briefing nitong Miyerkules..

“These two former police officers were involved (sa) Caloocan robbery case,” dagdag niya.

Five suspected members of the Gapos Gang syndicate were killed in an armed encounter with the Bacoor City Police on Tuesday in Barangay Molino.

Nitong Martes ng hapon, limang hinihinalang miyembro ng Gapos Gang ang nasawi nang maka-engkuwentro nila ang mga pulis sa Barangay Molino sa Bacoor City.

Hinabol ng mga pulis ang mga suspek matapos silang makatakas sakay ng kotse at motorsiklo nang mamataan sa paligid ng isang subdibisyon kung saan naroroon ang target na bahay na kanilang papasukin.

Sa habulan ng mga sasakyan, tumaob ang sedan na sinasakyan ng ilang sa mga suspek.

Ayon kay Co, nag-AWOL ang dating police staff sergeant noong Pebrero 2026 matapos na madawit o maimbestigahan kaugnay ng kaso ng robbery sa Caloocan.

Naglabas na ng resolusyon para sa pagsibak sa kaniya sa serbisyo, ngunit hinihintay pa ang pormal na kautusan ng dismissal, ayon kay Co.

Samantala, 2018 naman nasibak sa serbisyo ang isa pang dating pulis.

Patuloy namang hinahanap ang dalawa pang suspek na nakatakas sa engkuwentro nitong Martes.

Ayon sa PNP, kabilang ang mga suspek sa isang robbery group na minamanmanan ng pulisya dahil sa pagkakasangkot sa ilang insidente ng nakawan at iba pang krimen.

Sinabi ni Co na plano ng grupo na pumasok sa isang subdivision o residential area habang nagpapanggap na mga security guard.

Target umano ng grupo na pagnakawan ang isang negosyanteng pinaniniwalaang nagtatago ng mahahalagang gamit at malaking halaga ng pera sa kaniyang bahay.

Isa sa mga suspek ang nakasuot ng puting uniporme ng security guard, kaya napansin ito ng mga tauhan ng subdivision dahil asul ang unipormeng suot ng kanilang mga guwardiya.

Tinangka ng mga operatiba ng pulisya na pigilan at tanungin ang mga suspek, ngunit tumakas ang grupo na naging dahilan ng habulan at palitan ng putok ng baril.

Narekober ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang tatlong kalibre .45 na baril at dalawang kalibre .38 na revolver.

Wala namang nasugatan sa panig ng mga pulis bagaman may sasakyan nila ang tinamaan ng bala sa naturang engkuwentro. – FRJ GMA News