Inihayag ng isang kongresista na tantanan na ang mungkahing patawan ng buwis ang kape dahil magiging “dead on arrival” umano ito sa Kamara de Representantes.

Ayon kay House Ways and Means Committee chairman Rep. Miro Quimbo, tututulan nila ang mungkahi na ang kape ang patawan ng buwis sa halip na itaas pa ang excise tax sa mga inuming alak.

Ipinaliwanag ni Quimbo na ipinapataw ang excise taxes sa isang produkto na may masamang epekto sa kalusugan upang mabawasan ang pagkonsumo rito gaya ng alak, sigarilyo at sobrang matamis na inumin.

“Coffee from coffee shops have not been proven to be harmful. In fact, some argue that it’s actually healthy. Besides, it’s going to be very difficult to tax considering that there are so many different preparations of coffee,” ani Quimbo.

Maapektuhan ang magsasaka

Samantala, nagbabala ang isang grupo sa sektor ng agrikultura na mga magsasaka ang higit na magdadala ng epekto kapag pinatawan ng buwis ang mga produktong kape.

"Mali 'yung pinupuntirya nila dahil gusto nating tulungan 'yung mga magsasaka na nagtatanim ng kape," ayon kay Philippine Chamber of Agriculture and Food, Inc. (PCAFI) president Danilo Fausto sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes.

Naglabas ng pahayag ang grupo matapos na hilingin ng Distilled Spirits Association of the Philippines (DSAP) sa House Committee on Ways and Means na itigil ang pagtataas ng buwis sa mga produktong alak at sa halip, pag-aralan ang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa mga produktong kape dahil mas marami na umanong kabataan ang umiinom nito.

"Nag-iiba din yung consumer behavior like yung mga Gen Z natin hindi na sila masyadong umiinom ng alak, gusto nila kape. Kaya nga sabi namin kay Cong. Miro, ‘Cong Miro, baka gusto nyo i-tax yung kape kasi yun yung malaki, hindi talaga yung alak.’ And ang mahal ng kape," sabi ni DSAP president Olivia Limpe-Aw.

Bagaman hindi saklaw ng excise tax sa mga sweetened beverage sa ilalim ng TRAIN Law ang mga produktong kape sa bansa, maaari pa rin itong patawan ng mga karaniwang buwis gaya ng Value-Added Tax (VAT) o import duties.

"Ngayon 75% ng ating kape ini-import. 'Yun namang importation ng kape sa ibang bansa, meron naman tayong taripa doon na ipinapataw pati meron pang safeguard duty," paliwanag ni Fausto.

Iginiit din ng PCAFI na hindi lamang mga magsasaka kundi ang buong industriya ng kape ang maaapektuhan kapag nagpataw ng buwis sa mga produktong kape.

"We are trying to develop our coffee industry tapos papatawan mo ng taxes 'yung mga farmer, 'yung mga nagtatanim ng kape, eh 25% nga lang ang ating sufficiency level, pinararami namin, we encourage people to plant coffee," paliwanag ni Fausto.

Bukod sa layuning makalikom ng kita ang pamahalaan, ipinapataw din ang excise tax sa mga produktong alak upang mahikayat ang mga kabataan na bawasan o iwasan ang pag-inom ng mga ito.

Ayon sa PCAFI, mas makatuwiran ang pagpapataw ng excise tax sa mga produktong alak kaysa sa kape.

"Eh alcoholic drinks kompara mo sa coffee, siguro mas advantageous naman 'yung coffee na lang kaysa sa maglasing-lasing ka ano?" ani Fausto.— FRJ GMA News