Labis ang pagdadalamhati ngayon ng pamilya ng isa sa mga nasawing sundalo sa Marawi City.
Ito ay dahil sa maliban sa pagkawala ni Army Corporal Reymund Paracuelles, may ililibing din silang isa pang miyembro ng pamilya, ang nalaglag na anak ng kanyang asawa.
Anim na buwan nang ipinagbubuntis ng asawa ni Paracuelles ang kanilang anak nang makunan ito noong Marso.
Ayon sa kanyang pamilya, hindi nasilayan ni Paracuelles ang kanyang dapat ay bunsong anak dahil naka-duty ito nang makunan ang kanyang asawa.
Noong nakaraang linggo, Hunyo 6, napaslang naman si Paracuelles habang nasa isang breaching operation sa Marawi City.
Kabilang si Paracuella sa 58 sundalo na namamatay na sa Marawi City simula nang sumiklab ang gulo sa siyudad noong Mayo 23.
Nagpasya naman ang kanyang pamilya na ipa-cremate ang mag-ama at magkasamang ilibing sa Libingan ng mga Bayani sa Hunyo 17.
Magkahalong dalamhati at galit naman ang nararamdaman ng ama ng namatay na sundalo.
“Napakasalbahe ng mga taong iyan, sana maubos na silang lahat,” pahayag ni Cesar Paracuelles, ama ng nasawing sundalo. —Jamil Joseph Santos/ALG, GMA News
