Sa ilang video post sa social media, ipinakita ang pagpapatalbog sa binilog na sinaing. Pagdududa ng mga nag-upload ng video, baka peke ang bigas dahil hindi naghiwalay ang butil ng sinaing nang patalbugin.  Kaya naman ginawa rin ang naturang sistema sa kompirmadong tunay na bigas kung may pagkakaiba sa pinagdududahang bigas.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ginawa rin ito mismo ng NFA sa sinaing na mula sa kompirmadong bigas na binilog at pinatalbog.

At gaya ng ilang nasa viral video sa Facebook, tumalbog ang binilog na kanin na halos hindi naghiwa-hiwalay ang butil nito.

Paliwanag ni Marietta Ablaza, NFA director, sadyang tumatalbog ang kanin depende sa uri ng bigas.

Kung mas matigas ang kanin, mas magiging malakas umano ng talbog nito.

Ang bigas na ginawang halimbawa ng NFA ay dala ng isang lalaki na naghinala sa nabili niyang bigas kaya ipinasuri sa ahensiya.

ADVERTISEMENT

Nag-aalala raw ang lalaki na baka peke ang kaniyang bigas matapos makita ang mga post sa social media.

"Yon ang paniwala ko kahit totoong bigas alam ko tatalbog din. Kaya lang para makasiguro kami tutal malapit lang, nagsadya na kami. Saka may napapansin kami, ano ang tigas," anang lalaki.

Tiniyak naman NFA na walang pang anumang patunay na may ibinebentang fake rice sa mga pamilihan kaya wala raw dapat ikabahala ang publiko.

Gayunman, lalo pa raw nilang pinaigting ang pag-inspeksyon. Ang sample ng butil ng mga hinihinalang fake rice na mula Cebu at Dumaguete, ipinasusuri na rin.

Noong 2015, kumalat din ang mga post tungkol sa fake rice sa social media.

Sinuri ng mga ahensya ng mga gobyerno tulad ng NFA at PhilRice at International Rice Institute ang mga sample ng umano'y pekeng bigas.

Subalit lumabas sa mga pagsusuri na totoong bigas ang ito na nagbago na lang ang anyo dahil napanis bunga ng freezing, thawing and heating.

Nakontamina rin daw ito ng plasticizer chemical compound na dibutyl phtalate o dbp dahil sa maling pag-iingat. Inilagay daw kasi ang kanin sa lalagyan na madaling makontamina at isolated case lamang daw ang nangyari.

Kaya paalala ng NFA, iimbak nang maayos ang bigas at tiyaking malinis ang pagkakaluto nito.

May tips din ang NFA para matiyak na tunay ang bigas na bibilhin. Kabilang dito ang paghanap sa hilum o mala-chalk na puting tuldok sa dulo ng butil ng bigas na may uka.

Ang kabilang dulo naman, oblique o patagilid na patusok ang hugis.

Hindi rin uniform o pare-pareho ang hugis ng mga butil. Ang mga butil, lalo na ang hindi over milled ay mayroon umanong bran streak.

Amuyin din ang bigas o kanin at dapat ay wala itong hindi kaiga-igayang amoy, tulad ng amoy plastic.

Kapag naluto na, wala raw dapat foam-like substance sa ibabaw nito.

At kung may mapapansin na kakaiba at hinihinalang peke ang bigas, maaaring tumawag sa NFA.

Gayunman, nagbabala ang NFA sa mga nagpapakalat ng maling balita at lumilikha ng pagkabahala tungkol sa umano'y fake rice na isa itong criminal act at may karampatang parusa sa ilalim ng batas. -- FRJ, GMA News