Inayunan ng tagapagsalita ng militar ang obserbasyon ng ilang grupo na "discriminatory" ang Muslim-only ID system na ipinatutupad sa isang bayan sa lalawigan ng Tarlac, na isiniwalat kamakailan ng Human Rights Watch (HRW).
Sa Mindanao Hour sa Malacañang nitong Lunes, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla Jr., na hindi dapat puntiryahin ang isang sektor lamang sa pagsusuri tungkol sa pagkakakilanlan.
TALAKAYAN: Makatwiran ba o nagpapakita ng diskriminasyon ang Muslim-only ID system?
“Nagpaabot po kami ng aming komento dito na discriminatory ‘pag ikaw ay pumipili na ang hihingan mo ng ID ay isang sector lamang ng lipunan,” aniya.
“Kaya’t ang aming iminungkahi, when we start checking [the] identification of individuals, it should not be aimed at certain sectors of our society [only] but it must be applicable to everyone,” dagdag ni Padilla.
Ang pahayag ay ginawa ng opisyal bilang reaksyon sa inilabas na ulat ng HRW na ipinatutupad ang Muslim-ID system sa Paniqui, Tarlac. May mungkahi rin umano na pairalin ang naturang sistema sa buong Central Luzon na bahagi ng kampanya kontra-terorismo.
Nabuo umano ang programa sa harap ng sagupaan ng tropa ng pamahalaan at teroristang Maute Group sa Marawi City.
“Hindi po lahat ng ating kapatid na Muslim ay bahagi nitong rebelyon. Iilan lang po ‘yan. Tulad ng sinabi natin noong nagsimula ang kaguluhan, this was not a fight between religions. Hindi po ito religious war,” ani Padilla.
“Kung hindi po ito’y isang bakbakan laban po sa masasamang puwersa na nagdala ng kaguluhan sa Marawi. Period. ‘Yan lang po. Wala pong involvement ang religious war dito,” dagdag niya.
Sa halip, iminungkahi ni Padilla na ipatupad na lamang ang national ID system. — FRJ/KVD, GMA News
