Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Miyerkules na bumaba ang deployment ng overseas Filipino workers (OFWs) dahil marami ang umatras na magtrabaho sa Middle East dahil sa nagaganap na kaguluhan sa rehiyon.

“Merong ulat na mga hindi natutuloy at ito nga talaga 'yung talagang ‘di hamak na bumaba talaga ang deployment dahil nagkakaroon na rin ang kapasyahan ng mga OFWs natin na huwag tumuloy,” sabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa panayam ng GMA News Unang Balita.

“Kaya nagbibigay lang tayo ng advisory to stay where you are. Wala namang ‘stranded’ sa sariling bayan,” dagdag niya.

Ayon kay Cacdac, nakadagdag din sa pagbagal ng deployment ang mga kanselasyon ng flight at mga pangamba sa kaligtasan, lalo na sa mga sektor tulad ng hospitality, transportasyon, konstruksyon, at event management.

Nilinaw din ng kalihim ang mga naunang ulat na mayroong 40,000 OFWs ang stranded na maaaring hindi umano sumasalamin sa tunay na sitwasyon sa lugar batay sa impormasyon na nagmumula sa mga recruitment agency.

Ayon pa kay Cacdac, tumutulong ang mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang DMW at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sa mga apektadong manggagawa sa mga paliparan mula pa nang magsimula ang gulo sa Middle East.

Kabilang sa mga tulong na ibinibigay ay pinansyal na ayuda, pansamantalang matutuluyan, suporta sa transportasyon, at tulong sa pag-uwi sa kani-kanilang mga probinsya.

Para matulungan ang mga nawalan ng trabaho o nagbalik na mga manggagawa, sinabi ni Cacdac na nagsasagawa ang pamahalaan ng mga job fair at programang pangkabuhayan, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang mga ahensya.

Binigyang-diin din ni Cacdac na walang total deployment ban na ipinatutupad sa kasalukuyan sa kabila ng nangyayaring kaguluhan sa rehiyon. – Joviland Rita GMA News